SAN RAFAEL, Bulacan—Hindi na imposibleng maging milyonaryo ang mga magsasaka sa bayang ito na nagtatanim at nag-aalaga ng dragon fruit (hylocereus undatus) na nagmula sa bansang Mexico at sinasabing maraming benepisyong pangkalusugan.
Ito ay dahil sa patuloy ang pagtaas ng bilang mga taong bumibili ng bunga ng dragon fruit na patuloy namang humihikayat sa iba pang magsasaka na magtanim nito.
Ipinahayag naman ni Mayor Ricardo Silverio ang pagtatayo ng isang pasilidad na magagamit para sa pagkatas ng dragon fruit na upang makapagbenta ng juice, suka at maging alak mula sa katas ng dragon fruit na ang puno ay nakakahalintulad ng puno ng cactus.
Ayon kay Emmy Trinidad, hepe ng municipal Agriculture Office (MAO) ng San Rafael, unang sumubok magtanim ng dragon fruit sa bayang ito ay si Rey Villacorta may limang taon na ang nakakaraan.
Ang halimbawa ni Villacorta na dating kapitan ng Barangay Caingin ay hindi nalingid sa mga kapwa magsasaka. Sa kasalukuyan, mahigit 20 ektaryang bukirin sa bayang ito ang natataniman ng dragon fruit.
Inaasahan pang higit na lalawak ang pagtataniman ng dragon fruit sa bayang ito dahil sa nagbebenta na rin ngayon si Villacorta ng binhi ng dragon fruit.
Ang binhi ng dragon fruit ay maaaring magmula sa mga buto nito, o kaya ay mga cuttings o pinutol na sanga nito na itinanim sa lupa. Mas mabilis lumaki at mamunga ang binhing mula sa cuttings ng puno ng dragon fruit.
"Pati si Mayor Silverio ay naengganyong magtanim ng dragon fruit, kaya mahigit limang ektaryang lupa niya ang inihanda na pagtaniman," ani Trinidad.
Sinabi niya na hindi imposibleng maging milyonaryo ang mga magsasaka sa kanilang bayan na naunang nagtanim nito dahil sa patuloy ang pagdami ng mga bumibili ng bunga at mga cuttings ng dragon fruit.
"Sa lahat ng bayan at lungsod ng Bulacan ay sa San Rafael pa lang may nagtatanim at nagbebenta ng bunga at cuttings ng dragon fruit, kaya tiyak na malaki ang kikitain ng mga magsasaka sa amin," sabi pa ni Trinidad.
Sa kasalukuyan, sinabi niya "kinakapos pa rin sila ng ibebentang bunga dahil sa marami ang naghahanap."
Bukod sa kakaunti pa ang nagtatanim ng dragon fruit sa lalawigan, isa sa mga dahilan kung bakit mabenta ang bunga nito ay dahil sa paniniwala ng marami na maganda ang benepisyo nito sa kalusugan at katawan.
Ayon kay Trinidad, ang dragon fruit ay nakakagamot kung hindi man ay nakakapigil sa pagkalat ng kanser sa katawan ng tao dahil mga sangkap ito na tiunatawag na free radicals.
Bukod dito, marami din ang naniniwalang nakakabawas sa hypertension at blood sugar ang dragon fruit; at nakakatulong na mapaganda ang paglusaw ng pagkain sa bituka, nakakatulong sa pagpapalinaw ng mata, pagpapatibay ng ngipin at mga buto.
Sinabi pa ni Trinidad na malaki rin ang benepisyo ng dragon fruit sa pagbibigay ng enerhiya sa katawan ng tao, nagpapalambot din ito ng balat, nakakabawas sa kolesterol, nagpapalakas ng resitensya at nagpapabilis sa paggaling ng mga sugat.
"Marami ang naniniwala na isang magic fruit ang dragon fruit, pero depende rin iyan sa kung sino ang kumakain," ani Trinidad.
Ipinagmalaki pa niya na kasalukuyan nilang higit na pinauunlad ang dragon fruit sa bayang ito bilang paghahanda sa paglulunsad nito bilang pangunahing produkto ng San Rafael.
"We are developing it as our one-town-one product," aniya.
Iginiit pa niya na bukod sa pagpapalawak ng pagsasaka ng dragon fruit sa bayang ito, pinaghahandaan na rin nila ang pagtatayo ng pasilidad para sa paggawa ng ibang produkto mula sa dragon fruit.
"Mayor Silverio is serious about dragon fruit dahil nakita niya ang potensyal nito kaya naghahanda na kami para sa pagtatayo ng refinery," ani Trindad.
Binanggit niya na ang mga bunga ng dragon fruit na hindi maibebenta ay iproproseso sa nasabing refinery para gawing juice o kaya ay suka.
"Gusto ni Mayor Silverio ay walang tapon, kaya yung mga reject o kaya ay maliliit na dragon fruit na hindi maibebenta ay ipapasok sa refinery for processing into other products," ani Trinidad.