“ANG PAGGUNITA kay Rizal ay pagtangging manahimik. Habang sinasalubong natin ang 2026, malinaw: Gising na ang bayan, at handang maningil.”
Si José Rizal ay hindi pinatay dahil sa dahas, kundi dahil sa katotohanan. Panulat, konsensya, at tapang lamang ang kanyang sandata laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan. Alam niya na ang tunay na kaaway ng bayan ay hindi lang ang dayuhan, kundi ang katiwaliang nananatili dahil sa takot, kamangmangan, at pananahimik.
Ngayong patapos na ang 2025, muling natutunan ng mga Pilipino ang aral na ito—sa masakit na paraan.
Hindi na maikakaila o maipagkibit-balikat ang katiwalian.
Tumagos ito sa araw-araw na buhay:
-sa mga pamayanang binaha dahil sa palpak na proyekto,
-sa mga kalsadang hindi matapos-tapos,
-sa pondong para sa mahihirap na naglaho, at sa mga institusyong pinahina mula sa loob.
At sa pagkakataong ito, hindi na tumalikod ang bayan.
Mula Pampanga at iba pang lalawigan, hanggang EDSA at Luneta, mula sa mga liwasan hanggang sa tarangkahan ng mga paaralan, tumindig ang sambayanan.
Nagmartsa ang mga komunidad. Tumunog ang kampana ng mga simbahan. Lumabas sa mga silid-aralan ang mga estudyante—kasama ang mga guro, kawani, magulang, at karaniwang mamamayan—dahil naunawaan nilang ang katahimikan ay naging pakikipagsabwatan na.
Hindi ito palabas o palabok; ito ay paninindigang moral. Iisa ang sigaw, anuman ang rehiyon, propesyon, o paniniwala: TAMA NA!
Ito ang kabayanihan ni Rizal sa ating panahon—ang tapang na manindigan nang walang dahas, ang lakas ng konsensyang tumatangging makipagsabwatan sa mali. Itinuro niya na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay katapatan sa katotohanan at katarungan.
Ang paggunita kay Rizal ay ang pagtangging manahimik. Ang paggalang sa kanya ay ang pagharap laban sa katiwalian.
Habang sinasalubong natin ang 2026, malinaw ang hamon: nagsisimula ang pagbabago kapag tumanggi ang mamamayan na manahimik, at patuloy na nagbabantay at naniningil.
Nawa’y mapanagot at mapakulong ang mga salot na kurakot.
Nawa’y ang sambayanang Pilipino ay manatiling gising, nagkakaisa, at walang takot.
SOBRA NA. TAMA NA. Maniningil tayo sa 2026.
Makabuluhang Bagong Taon, Pilipinas.



