Home Headlines DOTr: Pagsubasta sa O&M ng NSCR, humikayat ng malalaking mamumuhunan

DOTr: Pagsubasta sa O&M ng NSCR, humikayat ng malalaking mamumuhunan

435
0
SHARE
Makikita sa larawan ang aktuwal na tren na gagamitin sa North-South Commuter Railway System sa depot nito sa hangganan ng mga lungsod ng Meycauayan at Valenzuela, na target patakbuhin ng pribadong sektor sa pamamagitan ng sistemang Public-Private Partnership. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Umani ng malaking interes mula sa mga tanyag na operator sa daigdig ang pagsusubasta para sa P229 bilyong Operations and Maintenance (O&M) ng North-South Commuter Railway (NSCR) System.

Kabilang dito ang Tokyo Metro, JR East, JR West, Mitsubishi Corp., at Sumitomo Corp. ng Japan; Transdev, RATP, Keolis, at Alstom ng France; at ang First Balfour Inc. at San Miguel Corporation ng Pilipinas.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, ito ang magiging pinakamalaking railway project sa bansa na isasailalim sa Public-Private Partnership na isasakatuparan sa ilalim ng Build-Better-More program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Nagpapakita ng mataas na investors’ confidence sa ating pamahalaan at sa ating ekonomiya ang pagdagsa ng mga mamumuhunan para lumahok sa pagsusubasta para sa operasyon ng ating NSCR System. Dapat talaga magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor para mapaganda at mas maging epektibo ang pagpapatakbo ng mga transport infrastructure sa bansa,” ani Lopez.

Target maisubasta at mai-award ang konsesyon ng O&M sa mananalong bidder ngayong 2026.

Ito’y bilang paghahanda sa nakatakdang partial operation ng NSCR mula sa lungsod ng Valenzuela hanggang sa lungsod ng Malolos sa Bulacan sa Disyembre 2027.

Tinatayang nasa isang milyong pasahero ang inaasahang sasakay sa NSCR System kapag nasa full operations na ito mula sa Clark International Airport sa Pampanga hanggang sa lungsod ng Calamba sa Laguna.

May halagang P874 bilyon na ang nagugugol sa proyekto na pinagtutulungang pondohan ng Japan International Cooperation Agency, Asian Development Bank, at ng Republika ng Pilipinas. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here