Home Headlines DOTr: Lokal na disenyo para sa PUV Modernization dapat paramihin

DOTr: Lokal na disenyo para sa PUV Modernization dapat paramihin

274
0
SHARE

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA) — Hinikayat ng Department of Transportation (DOTr) ang mga nasa industriya ng transportasyon sa bansa na mas paramihin ang palikha ng mga lokal na disenyo para sa lalong ikabubuti ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).

Iyan ang binigyang diin ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa ginanap na Transport Summit 2024 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 3.

Maipepreserba aniya nito ang tradisyunal na disenyo ng pambansang sasakyan na dyip habang ginagawang moderno ang sistema ng pampublikong transportasyon.

Gayundin ang katiyakan na madadagdagan ang mga oportunidad sa trabaho sa larangan ng local motor assembly.

Ayon pa sa kalihim, magbubukas din ito ng pinto para sa inobasyon na kahit tradisyunal ang disenyo ay maaari itong kabitan ng mga makabagong makina na may mababa ang ibinubuga na usok o ang kaya mga electric vehicle.

Ang pagpapalakas sa mga lokal na disenyo ng pampublikong transportasyon ay naaayon sa mandato ng PTMP tulad ng fleet modernization, vehicle useful life, industry consolidation, local public transport route plan, stakeholder support, route rationalization, communications, financing, initial implementation, at ang aspeto ng regulatory reform.

Kaya naman naging pagkakataon ang Transport Summit 2024 upang maipa road test sakay ng mga operator at driver ng mga pampublikong transportasyon sa Gitnang Luzon ang isang modernong electric dyip na tradisyunal ang disenyo na pinasimulan sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Ayon kay LTFRB Regional Director Aminoden Guro, isang mainam na pagkakataon ang pagpapakilala ng modern electric-traditional designed jeepney na makasama sa pagpilian sa fleet modernization ng nasa 84 porsyentong consolidated na mga public transport operator sa rehiyon.

Sa kasalukuyan, kasama ang Gitnang Luzon sa Top 5 na mga rehiyon sa Pilipinas na may mataas na pagtalima sa PTMP kung saan nasa 23,241 mga modern unit na ang bumibiyahe.

Iba pa rito ang may 18,436 na inaasahang maging modernize na ang mga unit matapos ang matagumpay na consolidation o pagkakabuo ng mga indibidwal na operator bilang isang kooperatiba.

Sinubukang sumakay nina Transportation Secretary Jaime Bautista (kanan), dating Ilocos Sur Governor at LCS Group of Companies President and Chairperson Luis “Chavit” Singson at mga operator at driver ng mga pampublikong transportasyon sa Gitnang Luzon ang modernong electric dyip na tradisyunal ang disenyo na ginawa at unang ginamit sa Ilocos Sur sa ginanap na Transport Summit 2024 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region 3. (Aldrin Joshua P. Mallari/PIA 3)

Pinakamaraming lumahok sa PTMP ay nasa lalawigan ng Pampanga kung saan may kabuuang 8,793 mga modern unit na ang nasasakyan ng mga pasahero at 7,465 na unit ang consolidated na handa nang maging moderno.

Sa Bulacan, nasa 4,958 na mga modernong unit na ang bumibiyahe habang 3,901 unit ang hindi pa moderno pero pawang consolidated na.

Aabot na rin sa 2,292 ang mga modern unit na umiikot na ngayon sa Nueva Ecija at 1,810 ang nagsagawa na ng consolidation.

Mayroon namang 2,079 unit ang ngayo’y nakakabiyahe na sa Tarlac at 1,628 ang consolidated na.

Sa Zambales, nasa 2,433 na ang mga modern unit habang 2,023 unit ang maidadag pa mula sa consolidation.

At panghuli sa Bataan, nasa 1,041 ang mga bumibiyahe nang modern unit habang 961 ang nakapag-consolidate na. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here