Home Headlines DOST nagkaloob ng Mobile Command, Control Vehicle sa PDRRMO Bulacan

DOST nagkaloob ng Mobile Command, Control Vehicle sa PDRRMO Bulacan

793
0
SHARE

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA) — Ipinagkaloob ng Department of Science and Technology o DOST ang naimbentong Mobile Command and Control Vehicle o MOCCOV sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO.

Pormal itong tinanggap nina Bise Gobernador Alex Castro at PDRRMO Head Felicisima Mungcal sa ginanap na Regional Science and Technology Week sa Clark Air Base, Pampanga.

Ayon kay DOST Regional Director Julius Caesar Sicat, ang MOCCOV ay isa na namang patunay na dinadala ng ahensya ang pakinabang o benepisyo ng agham at teknolohiya sa pinakanangangailangan.

Ito ang unang lalawigan sa Gitnang Luzon na nagkaroon ng MOCCOV sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology o CEST program ng ahensya.

Ito ang kabuuang set ng isang Mobile Command and Control Vehicle na ipinagkaloob ng Department of Science and Technology sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office. Naimbento ito ni Engr. Dennis Abella na pinondohan ng ahensya sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology Program. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Para kay Mungcal, magsisilbi itong “PDRRMO in the Field” kung saan ang katangian ng pasilidad ng isang operation center gaya ng Bulacan Rescue sa Malolos, ay literal nang madadala kung nasaan ang mismong sentro ng kalamidad o sakuna sa hinaharap na mga panahon.

Inimbento ni Engr. Dennis Abella ang MOCCOV na isang post-DRRM technology na magagamit sa pagpaplano, pagbibigay ng direktiba, pakikipag-uganayan nang derecho sa kanayunan at mas mabilis na makapagresponde o makasaklolo na gamit ang mga makabagong kasangkapan, kagamitan at yamang-tao habang nasa field deployment.

Kinapapalooban ng 10 technology features ang MOCCOV na pinondohan ng DOST sa halagang 16.8 milyong piso.

Pangunahin na rito ang isang unit na 4×4 na Japanese-brand na pick-up vehicle na may trailer.

Nakasakay dito ang isang weather station na may nakakabit na wireless monitor system.

Mayroon ding ito na quadcore drone remote control camera, satellite phone at iba pang makabagong communication and surveillance equipment.

Sa puntong magkakaroon ng field deployment ang MOCCOV, kasama ng heavily-equipped 4×4 pick-up vehicle at ang hila-hilang mga kasangkapan at aparato nito, ang paglalatag ng isang rescue and medical triaging.

May laki itong 40 square meter na kumpleto sa mga pangunahing pangangailangan para sa mga rescuers, PDRRMO personnel at mga posibleng masasagip nito.

Matatagpuan sa loob ng triage ang conference room at rest area, kainan at kusina at isang control room na pawang may air conditioning system.

Sa labas ng triage, ipupwesto ang dala-dala na isang shower at portable toilet rooms. Ang mga pasilidad na ito ay patatakbuhin ng solar power at wind generator system.

May back-up power supply din itong kasama na 220V o volts hanggang 240V generator set power inlet at 220V back-up inverter power system.

Ipinaliwanag ni DOST Provincial Director Angelita Parungao na ngayong naipagkaloob na ang MOCCOV sa Bulacan, ang pamahalaang panlalawigan na ang may obligasyon upang ito’y pangalagaan at tiyaking magamit nang produktibo.

Kaugnay nito, sinabi ni DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho Mabborang na ang pagtaas ng pondo sa ahensya partikular na sa CEST ay patunay na sinusuportahan ng administrasyong Marcos ang sektor ng Science, Technology and Innovation bilang bahagi ng 8-Point Socio Economic Agenda mula 2023 hanggang 2028.

Para naman kay Castro, iniaalay ng sambayanang Bulakenyo ang mga makabagong kagamitang ito sa limang bayaning rescuers na nasawi sa San Miguel, Bulacan sa gitna ng pagsaklolo sa kasagsagan ng bagyong Karding nitong Setyembre 2022.

Samantala, may isang set ng MOCCOV ang ibinigay din ng DOST para sa Office of the Civil Defense Region III. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here