Doon po sa Kongreso

    450
    0
    SHARE
    Doon po sa Kongreso, sila-sila’y nagpulong
    Pikit-matang isinusulong
    Panukalang right of reply bill
    Nang mga kongresistang matatabil.

    Kahit sa Konstitusyon ay labag
    Hindi sila titigil hanggat hindi in the bag
    Panukalang right of reply bill tinututulan
    Hindi lamang ng iilan.

    Doon po sa Kongreso, panukalang reply bill
    Kapag pinagtibay, tiyak na kikitil
    Malayang pamamahayag ipagkakait
    Umaasang mamamayan malalait.

    Katotohanan ay tiyak na bubusalan
    Maghahari ang katangahan at kawalan
    Mga pahayagan, radyo at TV ano ang magiging laman
    Mga kuwentong malayo sa katotohanan.

    Doon po sa Kongreso, tayo ay kinakatawan
    Nang mga kongresistang nahiwalay sa kawan
    Reply bill na kanilang pagtitibayin
    Ikaw, ako, tayo, buong bayan mamalasin.

    Doon po sa Kongreso, patas na pagbabalita nais nila
    Ngunit ito’y kung pabor lamang sa kanila
    Mga mamamahayag lagi silang hanap
    Upang panig nila’y maging ganap.
    q q q
    Doon po sa amin, lalawigan ng Bulacan
    Malayo pa ang halalan
    Mga pulitiko’y gayak na gayak na
    Parang maiiwan ng biyaheng nanghahalina.

    Sabit dito, pako doon
    Sa mga lansangan sa dako paroon
    Tarpaulin poster nila’y hindi mabilang
    Kaya’t maging mga driver ay naiilang.

    Larawang makukulay ay mga nakangiti
    Kahit mga kababaya’y sa hirap nanggagalaiti
    Layunin ay face at name recall
    Para halalang hindi malaman kung ukol.

    Uy, nagpapakilala na si Tamulmol
    Larawa’y inihanay sa kapwa pulitikong gahol
    Mukha sa litrato’y ipinaretoke, digitized ‘ika nga
    Kulubot at tagihawat at naglaho na nga.
    Alok nila’y paglilingkod sa bayan
    Kaya’t mga kababaya’y ayaw lubayan
    Tingnan mo ang mga larawang di mabilang
    Hindi ba’t parang natutulog lang.

    Santa Mariang garapon
    Kung mahalal sila’y nawa’y hindi matulad sa hipon
    Laging nagpapatangay sa agos
    Kaya’t sa hirap bayan ay hindi matubos.

    Sabi nga ni Ka Blas, malalambot kanilang gulugod
    Kaya’t sa prinsipyo’y laging hilahod
    Nakakatulad nila’y alulod
    Umula’t umaraw ay nakasahod.

    O bayang nakatulog, ikaw ay gumising
    Mga lingkod mo’y sa kapangyariha’y nalasing
    Bumangon ka’t iyong husgahan
    Sa kinabukasan ba, sila’y maasahanan.

    Gising, o bayang nahimbing
    Suriin silang mga balimbing
    Sa nagdaang halala’y tupa ang kahambing
    Ngunit ng maposisyon, asal ay kambing.

    Suwag dito, suwag doon.
    Lahat ay nais baguhin maging Konstitusyon
    Upang mapalawig sa kapangyarihan kanilang salinlahi
    Kahit ano ay gagawin manatili lamang sa paghahari.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here