Doon po sa Kampo Olivas

    416
    0
    SHARE
    Doon po sa Kampo Olivas

    Bagong linya ng komunikasyon inilabas

    I-text mo lang daw, pulis ay kikilos

    Sana naman ay hindi padalos-dalos.

    Mag-text lamang daw sa 700-7673

    Huwag lang hihingi ng Christmas tree

    Mga manloloko’y maging alisto

    Malapit na kayong mabisto.

    Isang text lang ang katapat

    Nang mga kalokohang hindi dapat

    Mga pulis daw ay kikilos ng mabilis

    Upang madakip lokong tumatalilis.





    Doon po sa Kampo Olivas

    Problema ng Bulacan PD ay inilabas

    Makapanayam daw siya’y huwag pangarapin

    At kung weekend huwag abalahin.

    Baka daw na-culture shock ang PD ng Bulacan

    Depensa ng kanyang mga pulis na kaibigan

    Kung sabagay, dapat din namang unawain

    Baka kung weekend ay marami siyang labahin.

    Mga pulis na ayaw maabala, baka nga naglalaba

    Kumilos kayo’t baka kapitan ng talaba

    Parang Diyos, nagpahinga sa ikapitong araw

    Aba, ang trabaho ninyo’y walang pinipiling araw.





    Doon po sa amin, bayan ng Hagonoy

    Kalsada’y nilulumot, sa tubig naglulunoy

    Hanggang tuhod, hanggang binti

    Hatid ay alipungang nangangati.

    Tambak dito, tambak doon

    Kalsada’y itinaas, mga bahay ay nabaon

    Konstruksyon ay ubod ng tagal

    Kung umusad, talo pa ang pagong sa bagal.

    Pagawaing bayang naturingan

    Pagbatid ng pagpapagawa’y nasilipan

    Hindi malaman kung kailan matatapos

    Di malaman kung sino ang kontraktor na igagapos.

    Doon po sa amin, bayan ng Hagonoy

    Bukol-bukol na lansanga’y nananaghoy

    Sabi nga ng Ilonggo, kawawa ang baysikol

    Maging ang traysikol ni Bukol.

    Kahit umaaraw kami’y binabaha

    Hatid ng high tide na walang sawa

    Higit na malalim kung may ulan

    Apektado maging ang kalakalan.

    Doon po sa amin, bayan ng Hagonoy

    Kayang-kaya naming lumangoy

    Kahit ang tubig ay nangangamoy

    Na tulad ng kawawang palaboy.

    Doon po sa amin bayan ng Hagonoy

    Huwag kayong mahiyang tumuloy

    Kahit mga paa’y sa baha naglulunoy

    Hinding hindi kayo itataboy.

    Puso namin ay laging bukas

    Sa pag-asang laging may bukas

    Maaliwalas at tiyak na buwenas

    Hiling lang nami’y huwag kang kakalas.





    Doon po sa amin, Lalawigan ng Bulacan

    Nakatitiyak na mainit ang susunod na halalan

    Magkakatunggali’y nagpopormahan na

    Pero ang bayan, bahala na.

    Kanya-kanya silang propaganda

    Panay papogi at pagpapaganda

    Mga poster ay makukulay at nanghahalina

    Sabi ng bayan, minsan kami’y nagkamali na.

    Ay naku, mga pulitikong tamulmol

    Nakakatulad ay asong kumakahol

    Puro ingay, walang mensahe

    Mabuti pa ay tumigil at gumarahe.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here