Ang PCR machine mula sa Zuellig Family Foundation
LUNGSOD NG BALANGA — Patuloy na may dumarating na donasyon sa Bataan na nakakatulong ng malaki para maibsan ang suliraning dulot ng pandemyang coronavirus disease.
Noong Martes, dalawang mahahalagang bagay ang ipinagkaloob sa Bataan ng Zuellig Family Foundation (ZFF) at Office of Civil Defense Region 3.
Sinabi ni Gov. Albert Garcia na ang ZFF ay nag-donateng Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) machine na gagamitin sa 1Bataan-Bataan General Hospital and Medical Center Laboratory.
Nakapag-training na, ani governor, ang mga frontliners mula sa BGHMC sa paggamit ng machine na umano’y gold standard din tulad ng ginagamit sa Research Institute for Tropical Medicine.
Ang nagsagawa ng training, aniya, na kanyang pinasasalamatan ay ang Lifetime Diagnostics Supplies, Inc.
“Ang 1Bataan-BGHMC PCR Laboratory ay makakaya nang makapag–test ng 500 specimen sa isang araw kapag na–install na ang nasabing extraction machine. Ito ay malaking tulong upang mas mabilis makuha ang resulta ng test ng mga returning overseas Filipinos sa ating lalawigan,” sabi ni Garcia.
Ang Office of Civil Defense naman ay nagkaloob ng 2,200 kahon ng frozen fish na bawat kahon ay 10 kilo ng galunggong ang laman. Nauna rito, ang nasabing opisina ay nakapagbigay na rin umano ng 2,500 kahon ng tulingan.
Sinabi ng governor na ang mga isda ay naipamahagi na rin agad sa 11 bayan at isang lungsod sa lalawigan.
“Lubos pong nagpapasalamat ang pamahalaang panlalawigan sa patuloy ninyong pagsuporta sa Bataan na malaking tulong na po lalo na sa mga naapektuhan ng community quarantine,” sabi ni Garcia.