Donasyon ng embahador magagamit na sa Hunyo
    Maliban sa 100 iskolar ni Tantoco sa Malolos Integrated School

    491
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Magagamit na ng mga mag-aaral ng Malolos Integrated School (MIS) ang mga donasyon ni Ambassador Bienvenido Tantoco Sr.

    Ito ay ang 12 na flat screen television na may mga kasamang amplifier at sound system na magagamit sa science education program ng paaralang dati ay kilala sa tawag na Malolos Central School (MCS) na matatagpuan sa Barangay Sto. Rosario.

    Ang pagbabago ng pangalan ng nasabing paaralan ay kaugnay ng pagbubukas ng klase para sa mag-aaral sa High School na magsisimula rin sa Hunyo.

    “Naka-install napo yung 12 na LED television sets, at sa May 7 at ikakabit naman yung mga amplifier,” ani Reynaldo Diaz, ang punong guro ng MIS.

    Ayon kay Diaz, malaking tulong sa mga guro at mag-aaral ang mga LED TV sets dahil sa magagamit nila ito sa mga video presentation at iba pang araling naka-rekord sa video.

    Binigyang diin pa niya na ang mga LED TV sets na ipinagkaloob ni Tantoco ay hindi una, dahil sa mga nagdaang panahon ay pinangunahan din ng dating embahador ang pagpapatayo ng mga gusali sa nasabing paaralan bukod sa pagpapakumpuni ng ilan at pagbibigay ng mga dagdag na libro para sa silid aklatan.

    “Priceless ang kontribusyon ni Ambassador Tantoco sa aming paaralan, at bukod pa diyan, mahigit 100 mag-aaral ang kasali sa kanyang sariling scholarship program,” ani Diaz.

    Matatandaan na noong Abril 2, kasama ang pamilya at mga kaibigan inihatid ni dating Embahador Tantoco sa MIS ang tseke na nagkakahalaga ng P400,000 bilang donasyon sa paaralan.

    Ayon sa dating embahador, ang kalahati ng halagang kanyang ipinagkaloob ay regalo ng Sycip, Gorres at Velayo (SGV) Accounting Office para sa kanyang ika-91 kaarawan noong Abril 7.

    “I told them, I will match their gift and will give it to my favorite school,” ani Tantoco sa kanyang maikling pananalita.

    Ngunit ang nasabing halaga ay hindi sapat para sa 12 LED TV na may amplifier at sound system na kailangan ng paaralan.

    Dahil dito, ipinangako ni Tantoco na dagdagan pa niya ang kulang sa pamamagitan ng donasyon ng kanyang mga kaibigan na bumubuo sa Klub Bulakenyo at pamilya na nagmamay-ari ng Rustan’s Supermarket.

    Sa ekslusibong panayam ng Punto sa dating embahador, sinabi niya na hindi niya makakalimutan ang kanyang mga karanasan sa Malolos Central School kung saan siya nagtapos ng elemtarya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here