Walang stranded passengers sa CRK sa kabila ng kanselasyon ng flight ng AirAsia dahil agad na naabisuhan ang mga pasaherong dumadating dito sa gate pa lang ng paliparan. Kuha ni Rommel Ramos
CLARK FREEPORT –– Nakansela ang domestic flight sa Clark International Airport sa unang araw ng pagbabalik nito sa commercial flight operation dalawang buwan matapos na ipinatupad ang enhanced community quarantine.
Madaling araw pa lang kanina ay nag-anunsyo na daw ang AirAsia na kanselado ang kanilang pagbiyahe sa Cebu at Cagayan De Oro.
Ayon kay Teri Flores, media relations officer ng LIPAD Corp., nakansela ang flight dito dahil sa travel restrictions sa lugar kung saan lalapag ang eroplano.
Nagpunta naman sa airport ang mga representatives ng AirAsia para asistehan ang mga nagpunta pa ring pasahero sa airport na mga hindi nakakuha ng anunsyo ng kanselasyon.
Wala namang na-stranded na mga pasahero sa Clark at napaliwanagan din ng sitwasyon ang mga ito at para maiwasan na maipon ang mga pasahero at maobserbahan ang social distancing nang sa gayon ay hindi na rin mahirapan ang mga ito na humanap ng masasakyan pabalik ay sa gate pa lang ng paliparan ay inaabisuhan na sila na kanselado ang kanilang mga flights.
Sa June 8 aniya ang reschedule ng nakanselang flight ng AirAsia.
Samantala ay inaasahan pa rin ang paglapag sa Clark mamayang hapon ng 200 OFWs na galing ng Dubai at bukas naman ay ang 300 repatriate seafarers galing ng Caribbean.