Lumakas ang piso ng kontra sa dolyar
Ngunit ang epekto ba ay naramdaman?
Ang ekonomiya natin umangat daw
Ayon sa sektor d’yan ng mangangalakal.
Kung totoong ito nga ay umaangat,
Ang ibig sabihin tayo’y umuunlad;
Ngunit wari bagang hindi nagagalak
Yaong nasa abroad ang asawa’t anak.
Lubhang malaki nga kasi ang epekto
Nitong pagbaba ng palitan sa piso;
Sa mga migrante na nagtatrabaho
Sa labas ng bansa, sakit yan ng ulo.
Sa dahilang sila ay mapipilitang
Magdagdag padala tuwing katapusan,
Sapagkat kung hindi nila daragdagan
Ay kukulangin ng panggastos sa bahay.
Hindi bale sana kung maibabalik
Sa dating halaga ang presyo ng langis,
At pati na ating basic commodities
Na lubhang kailangan ng consuming public.
Noong ang piso ay biglang bumulusok
Pababa, kay daming mga naghikahos;
Eh, bakit nga hindi? Ang bilihin halos
Dumoble ang presyo’t lumaki ang gastos.
Pero bakit ngayong piso ay lumakas
Walang pagbabago yatang nagaganap?
Lalo na sa hanay nitong mahihirap
Na di maka-ahon sa pagkakalusak.
Nakapagtatakang hindi maibalik
Sa dating presyo ang produkto ng langs,
Gayong one dollar kung ito’y ipalit
Sa Philippine peso ay biglang lumiit.
Natatandaan ko sa ganyang palitan,
Ang per liter of crude oil ay disiyotso lang
At ang katumbas ng piso kontra dolyar
Ay singkwenta pesos base sa datos n’yan.
Maging sa kuryente tumaas ang singil
Nang biglang humina itong piso natin;
Ang dahilan nila: upang padaluyin
Ang kuryente – langis ang kakailanganin.
Ipagpalagay nang ang isang bariles
Ng crude oil sa Dubai ay treynta dolyares,
Sa palitan ngayon lalakas ang raket
Ng Petron at ng Shell, ng Mobil at Caltex.
Papaanong yan ay di ko masasabi
Dolyar ang pambayad kung sila’y bibili,
Kung kaya’t ang tubo ay higit sa doble
Nitong masisibang mga oil company.
Tataas ang dolyar, piso ay hihina,
Mga mahihirap ang laging kawawa;
Yaong mayayaman na nagpapasasa
Ang siyang naghahari’t bulsa’y tumataba;
At patuloy naman ang nakararami
Na ‘hand to mouth’ lamang ang kita parati,
Sa araw-araw na lalo pang pagtindi
Ng kahirapan, habang sina si Tan at Sy
At iba pang halos kanila ng lahat
Ang yaman ay gustong solohin ang bawat
Negosyo – kung kaya pati maglalapag
Na kakarampot ang kita’y umiiyak;
Dala na rin nitong sila ay nawalan
Ng parukyano sa pangyayaring yan
Na ang ating mga pamilihang bayan
Ay parang pinatay na n’yan ng lubusan!
Vhelle V. Garcia
Abu Dhabi, United Arab Emirates
February 3, 2013