Home Headlines DOH isinusulong ang Breastfeeding Awareness sa Gitnang Luzon

DOH isinusulong ang Breastfeeding Awareness sa Gitnang Luzon

475
0
SHARE
Inilahad ni Department of Health Central Luzon Center for Health Development Senior Health Program Officer Madeline Gayle Tayag ang mga panawagan ng kagawaran upang maitaguyod ang wastong pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA-3)

LUNGSOD NG CABANATUAN, Nueva Ecija (PIA) — Sa pagdiriwang ng National Breastfeeding Awareness Month ngayong Agosto, isinusulong ng Department of Health o DOH sa Gitnang Luzon ang kamalayan sa wastong pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol.

Sa isang talakayan, ipinaliwanag ni DOH Central Luzon Center for Health Development Senior Health Program Officer Madeline Gayle Tayag na ang gatas ng ina ay nagsisilbing unang proteksyon ng sanggol laban sa mga sakit.

Aniya, ang mga batang hindi napoprotektahan ng breastmilk ay mayroong mas malaking tiyansa ng pagkamatay dulot ng diarrhea.

Samantala, sa datos ng DOH, tinatayang isa lamang sa bawat tatlong bata ang napapasuso sa buong Pilipinas.

Dahil dito ay humigit-kumulang 16,000 na sanggol ang namamatay kada taon, o katumbas ng 44 na sanggol kada araw.

Dagdag pa rito, ang economic burden ng formula feeding dahil sa pagkakasakit, pagpapagamot, at pagpapaospital ay tinatayang nasa P20.8 bilyon.

Kaya naman, binigyang-diin ni Tayag ang kahalagahan ng breastfeeding, at ang panawagan ng kagawaran sa publiko upang suportahan at itaguyod ang wastong pagpapasuso.

Para sa pamilya, hinihikayat ang kanilang partisipasyon sa breastfeeding journey ng mga ina upang maging katuwang nito sa hustong pagpapasuso.

Para naman sa mga employers at kumpanya, panawagan ng kagawaran na makibahagi sa pagprotekta ng kalusugan ng ina na nagtatrabaho at ng kanyang anak sa pamamagitan ng paggawa ng mga hakbang at polisiya upang ang kanilang lugar ng trabaho ay maging mother-and-baby friendly.

Pahayag pa ni Tayag, nararapat silang magkaroon ng lactation station para makapagpasuso o makapag-express ng gatas ang breastfeeding mothers na nagtatrabaho.

Samantala, para sa local government units at mga ospital, hinihimok na sila ay magtayo ng human milk banks para matugunan ang nutrisyonal na pangangailangan ng mga sanggol.

Para sa health workers, panawagan naman ng kagawaran na patuloy nilang isulong ang kahalagahan ng breastfeeding sa buong komunidad nang sa gayon ay maging kasama sila sa pagsuporta sa mga nagpapasusong ina.

Ani Tayag, sila ang nararapat gumabay sa mga buntis at bagong panganak sa tamang pagpapasuso.

Dagdag pa niya, maaari din nilang hikayatin ang mga ina na sumali sa mga mother support group upang makakuha ng payo sa tamang pagpapasususo at pangangalaga ng sanggol.

At para naman sa komunidad, inaasahan ng kagawaran na magbalangkas ito ng mga patakaran at magtatag ng ligtas na lugar para sa pagpapasuso sa mga pribado at pampublikong lugar.

Paalala naman ni Tayag sa mga ina na ipagpatuloy ang tama, sapat at eksklusibong pagpapasuso sa kanilang mga sanggol mula pagkapanganak hanggang sa ika-anim na buwan.

Gayundin, nararapat aniyang siguraduhin ng mga ina ang pagpapakain ng iba’t ibang masustansyang pagkain mula sa ika-anim na buwan ng kanilang mga sanggol kasabay ng tuloy-tuloy na pagpapasuso hanggang sa ika-dalawang taon o higit pa.

Maaari namang lumapit ang mga ina sa trained health workers sa pinakamalapit na rural health unit sa kanilang lugar upang mabigyan ng karagdagang kaalaman tungkol sa wastong pagpapasuso ng kanilang mga anak. (MJSC/MAECR-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here