Home Headlines DOH CL nagpaalala sa publiko laban sa komplikasyon dulot ng hypertension

DOH CL nagpaalala sa publiko laban sa komplikasyon dulot ng hypertension

529
0
SHARE
Inilahad ni Department of Health Central Luzon Center for Health and Development Non-communicable Diseases Cluster Medical Officer IV Cindy Canlas ang mga paalala sa mga taong may sakit na hypertension upang maiwasan ang mga komplikasyon na maaaring idulot nito tulad ng stroke, atake sa puso, at sakit sa bato. (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — May mga paalala ang Department of Health (DOH) Central Luzon Center for Health and Development (CLCHD) sa mga taong may sakit na hypertension upang maiwasan ang mga komplikasyon na maaaring idulot nito.

Ang hypertension ay isang klase ng sakit na hindi nakakahawa.

Ayon kay DOH CLCHD Non-communicable Diseases Cluster Medical Officer IV Cindy Canlas, kadalasang nakikitaan ng pagtaas ng blood pressure (BP) o presyon ng dugo na maaaring pag-ugatan ng iba pang mga komplikasyon tulad ng stroke, atake sa puso, at sakit sa bato.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ay ang pagngalay ng batok, masakit ang ulo, nahihilo, nasusuka, palpitations, biglang pagsakit ng mata, pamumula ng mukha, hindi maipaliwanag na masamang pakiramdam, at ang pagkakaroon ng BP na 140/90 pataas.

Marami rin aniya sa matataas ang BP ay walang nakikitang senyales at sintomas, kaya naman ang hypertension ay tinaguriang “silent killer.”

Sa datos ng DOH, tinatayang nasa 12 milyon ang mayroong mataas na presyon sa Pilipinas noong 2019 habang nasa 5.6 milyon o halos kalahati lang ang nakakaalam na ang kanilang presyon ay tumataas.

Samantala, nasa 2.9 milyon ang nagpapagamot at 1.6 milyon lamang ang treated o kontrolado ang pag-iwas sa mga komplikasyon.

Kaugnay nito, nagbigay ng mga paalala si Canlas para sa mga taong mayroong hypertension upang maiwasan ang mga posibleng komplikasyon.

Una, ang pag-inom ng gamot sa tamang oras at alinsunod sa payo ng doktor.

Biniigyang-diin ni Canlas na iba-iba ang paraan ng paggagamot ng hypertension dahil nakabase ito sa risk factors ng pasyente, gayundin ay nakadepende sa kakayahan ng katawan, kung kaya’t mahalaga na magpakonsulta sa doktor upang malaman ang gamot na aakma sa kalagayan ng pasyente.

Pangalawa, ang pag-iwas sa mga pagkain na ipinagbabawal tulad ng maaalat na pagkain, gayundin sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.

Pangatlo, mahalaga rin aniya ang regular na pagsusuri at pagmomonitor ng kalagayan ng presyon upang malaman kung ito ay lumalala o umaayos.

Pang-apat, ang pagkakaroon ng proper nutrition sa pamamagitan ng tamang pagkain sa tamang oras.

At panghuli, ang regular na pag-eehersisyo ng katawan na hindi bababa sa 30 minuto kada araw o 150 minuto sa loob ng isang linggo.

Ani Canlas, ang pagkakaroon ng ideal body weight ay nakakatulong upang makontrol ang BP.

Para naman sa mga taong posibleng mayroong sakit na hypertension o nakikitaan ng ilang senyales at sintomas, ang mga may edad 20 pataas ay maaaring sumailalim sa PhilPEN risk assessment o screening.

Ito ay available sa mga rural health unit upang malaman kung ang isang indibidwal ay mayroong mataas na BP o mayroong sakit na hypertension.

Paalala pa ni Canlas, maaari namang maiwasan ang pagtaas ng BP at pagkakaroon ng hypertension sa pamamagitan ng healthy lifestyle o malusog na pamumuhay.

Para sa karagdagang impormasyon patungkol sa sakit na hypertension, maaaring makipag-ugnayan sa mga doktor o healthcare workers sa pinakamalapit na ospital o rural health unit sa komunidad. (CLJD/MAECR-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here