Home Headlines DOH CL may mga paalala upang maiwasan, malabanan ang Tuberculosis

DOH CL may mga paalala upang maiwasan, malabanan ang Tuberculosis

484
0
SHARE
Inilahad ni Department of Health Central Luzon Center for Health Development Regional TB Control Program Nurse Coordinator Geliza Recede ang mga paalala upang maiwasan at malabanan ang sakit na Tuberculosis (Maria Asumpta Estefanie C. Reyes/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — May mga paalala ang Department of Health (DOH) sa mga residente ng Gitnang Luzon upang maiwasan at malabanan ang sakit na Tuberculosis (TB).

Ang sanhi ng TB ay ang microbacterium tuberculosis na naipapasa sa hangin o tao sa tao sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, pakikipag-usap, o pagkanta ng malapitan sa isang taong mayroon ng naturang sakit.

Sinabi ni DOH Central Luzon Center for Health Development Regional TB Control Program Nurse Coordinator Geliza Recede na kabilang sa mga pangunahing sintomas nito ay ang pag-ubo, hindi maipaliwanag na lagnat, pangangayayat ng walang rason, at pagpapawis sa gabi na kadalasan ay umaabot ng dalawang linggo o higit pa.

Sa kanilang datos, nasa 82,000 ang tinatayang kaso ng TB sa Gitnang Luzon ngayong taon.

Paliwanag ni Recede, upang maprotektahan ang sarili laban sa sakit na TB ay dapat isagawa ang estratehiyang S.E.L.F.

Una, “Seek Early Consultation” o maagang pagpapakonsulta kung mayroon nang nararamdamang isa sa mga pangunahing sintomas o nagkaroon ng close contact sa isang taong may TB.

Pagtitiyak ni Recede, libre naman ang pagpapa-test at gamutan para sa TB sa mga health center.

Pangalawa, “Examination” o pagsasailalim sa chest x-ray isang beses sa isang taon kung walang sintomas.

Batay sa isang pag-aaral na inilahad ni Recede, dalawa sa kada tatlong tao na mayroong TB ay walang sintomas.

Pangatlo, “Lifestyle” o pagtitiyak ng pagkakaroon ng healthy diet at tamang pag-eehersisyo katulad ng breathing exercise.

Pang-apat, “Follow Infection Prevention and Control” o ang pag-uugali ng paghuhugas ng kamay, pagtakip ng bibig at ilong tuwing uubo o babahing, paggamit ng face mask, at ang pagsisimula at pagtatapos ng TB Treatment o TB Preventive Treatment kung kinakailangan.

Dagdag pa ni Recede, maaari namang protektahan ng indibidwal ang kanyang mga mahal sa buhay laban sa TB sa pamamagitan ng tatlong ‘P’.

Ito ay ang “Pagpapalaganap ng tamang kaalaman tungkol sa TB”, “Pagkumbinsi sa taong may sintomas ng TB or close contact ng taong may TB na kumonsulta sa pinakamalapit na Health Center o pagkumbinsi sa mga kakilala na magpa X-ray isang beses sa isang taon”, at “Pagiging treatment partner” upang masigurado at matulungan ang mga taong mayroong TB na simulan at tapusin ang kanilang gamutan.

Hinihikayat ni Recede ang pakikiisa ng lokalidad dahil mahalaga aniya ang tulong at suporta nito para maging TB-free ang Pilipinas.

Para sa iba pang impormasyon hinggil sa mga serbisyong laban sa TB, maaaring makipag-ugnayan sa mga numerong 0945-268-0584, 0919-330-2200 o 0919-330-2205.

Ginugunita ang National Lung Month tuwing Agosto habang National Tuberculosis Day naman ang ika-19 ng Agosto. (CLJD/MAECR-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here