Home Headlines DOH: 11 patay sa leptospirosis sa NE

DOH: 11 patay sa leptospirosis sa NE

444
0
SHARE
Nagpaalala si Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa hinggil sa mga pag-iingat upang makaiwas sa pagkakasakit ng Leptospirosis. (Camille Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nasa 11 na ang namatay dahil sa sakit na leptospirosis sa Nueva Ecija.

Ayon kay Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, humigit 17 porsyento ang itinaas ng bilang ng mga nagkasakit ng leptospirosis sa lalawigan ngayong taon na umabot na sa 46.

Aniya, siyam na mga bayan at siyudad sa lalawigan ang nadagdagan ang bilang ng mga nagkasakit ng leptospirosis kabilang ang Cuyapo, Llanera, Nampicuan, Quezon, Santa Rosa, Talavera, Talugtug, Zaragoza at lungsod ng Cabanatuan.

Kaniya ding iniulat na 24 mula sa 46 na naitalang kaso ng leptospirosis sa buong lalawigan ay mga magsasaka.

Paliwanag ni Espinosa, ang leptospirosis ay bacterial infection na nakukuha sa paglusong sa tubig o lupa na infected ng ihi ng mga rodents o daga.

Para makaiwas aniya sa pagkakasakit ng leptospirosis ay iwasang lumusong sa tubig lalo na kung may sugat sa paa at kung hindi naman maiiwasang lumusong sa bukid ay laging magsuot ng bota.

Ayon pa kay Espinosa, health promotion pa din ang mabisang panangga upang maipalaganap ang pag-iingat at mga pamamaraan ng pag-iwas sa anumang pagkakasakit.

Mahalagang magpakonsulta agad upang maagapan ang karamdaman tulad kung nakararanas ng matinding pananakit ng ulo, kasu-kasuan, tiyan, pamumula ng mata at paninilaw ng balat na senyales ng pagkakaroon ng leptospirosis.

Nakahanda aniyang tumugon ang ahensiya sa mga pangangailangang serbisyo sa kalusugan ng mga mamamayan, sa tulong ng mga kawani, mga nars at mga doktor sa baryo gayundin ang pagpapaunlad ng mga pasilidad at kagamitan sa mga bayan at siyudad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here