Diyosesis ng Malolos handa na sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo

    366
    0
    SHARE

    Bilang pakiki-isa sa paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Diyosesis ng Malolos nagpalabas ng commemorative stamps ang Philippine Postal Corporation noong Enero.

    Makikita sa larawan si Monsignor Andy Valera habang ipinakikita ang mga stamps, samantalang nakamasid si Obispo Jose Francisco Oliveros.

    Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS – Handang-handa na ang Diyosesis ng Malolos sa pagdiriwang ng ika-50 guning taon ng pagkakatatag o ginintuang jubileo sa Marso 10.

    Tatampukan ito ng koronasyong kanonikal ng imahe ng Virgen Immaculada Concepcion De Malolos na pangungunahan ni Arsobispo Giuseppe Pinto na siya ring papal nuncio o embahador ng Vatican sa Pilipinas.

    Ang pagdiriwang sa Marso 10 ay dadaluhan din ng 45 pang obispo mula sa ibat-ibang diyosesis sa bansa, at daan-daang mga pari at madre, kabilang ang mga nagmula sa Bulacan na sa ibang lugar naglilingkod.

    Susundan ito ng buwang jubilee assembly hanging sa pagsasagawa ng ikalawang sinod ng Malolos na isasagawa sa Pebrero ng susunod na taon.

    Ayon kay Obispo Jose Francisco Oliveros, lubhang mahalaga para sa simbahan at mananampalataya ang pagdiriwang ng ika-50 jubileo.

    “It’s a celebration of 50 years of transforming grace and unwavering faith,” ani ng obispo.

    Nilinaw ni Oliveros na ang Diyosesis ay itinatag noong Marso 11, 1962 kaugnay ng pagtatalaga sa unang obispo nito na si Manuel Del Rosario na pumanaw kamakailan lamang.

    “Binago namin yung araw ng pagdiriwang dahil yung March 11 ay Sunday na ng lent, kaya sa March 10 ang celebrations,” ani Oliveros.

    Ipinaliwanag din niya na ang Diyosesis ay nilikha noong Nobyembre 25, 1965; ngunit naging lubos na diyosesis ito ng maluklok si Del Rosario bilang unang obispo.

    Ayon kay Oliveros, sa pagsisimula ng diyosesis umabot lamang sa 52 ang paring nakatalaga dito, kung saan ay mahigit lamang 500,000 mananampalataya ang nagsisimba sa 52 parokya.

    Ngunit ngayon, umaabot na sa mahigit 200 ang pari ng diyosesis na naglilingkod sa may 3-milyong mananampalatay sa 107 parokya.

    Bukod dito, ang ang diyosesis ay may tatlong pambansang dambana at apat na dambanang pang-diyosesis.

    Ito ay ang Pambansang Dambana ni Sta. Ana Sa Hagonoy, Pambansang Dambana ng Fatima sa Valenzuela, at ang Pambansamg Dambana ng Divine Mercy sa Marilao.

    Ang mga dambanang pangdiyoesis naman ay ang Dambana ng Sacred Heat of Jesus sa Krus na Daan sa San Rafael, Diocesan Shrine of Mary mother of the Eucharist and Grace sa Barangay San Vicente, Santa Maria; Diocesan Shrine of Our Lady of Salambao sa Obando, at Dambana ng Krus sa Wawa sa Bocaue.

    Ipinagmalaki rin ni Oliveros ang mga institusyong pangkawang gawa na itinatag ng diyosesis sa lalawigan.

    Kabilang dito ang Bethelem Home for street children, Bethany House Orphanage, Emmaus Home of the Aged, Bahay Kalinga for battered women and children,  Galilee Home for drug dependents, at mga tahanan para sa may sakit sa isip na matatagpuan sa Bustos at Bocaue.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here