SI SAN Agustin ang pagkukuhanan natin ng inspirasyon para sa homiliyang ito.
Minsan, naisulat niya sa kanyang CONFESSIONES, na sa gitna ng pananalangin niya
sa Diyos, nasabi niya: “Panginoon, mas malalim na di hamak ang pagkilala mo sa
akin kaysa pagkilala ko sa sarili ko,” o “mas alam mo kaysa sa akin ang nasa
sariling kalooban ko.” Sa Latin “Interior intimo meo et superior summo meo.” Sa
Ingles, “You are closer to me than I am to myself.”
Ang ating Gospel reading ngayon ay ang sagot ni Hesus sa pakiusap ng kanyang
mga alagad na turuan daw sila kung paano manalangin. Kay Hesus, ang mas
importante sa pananalangin ay hindi naman ang sasabihin o dadasalin natin kundi
ang pagtingin natin sa relasyon o kaugnayan ng Diyos sa atin.
Ganito ang punto ni Hesus sa itinuro niya tungkol sa pananalangin: “Huwag
kayong magdasal sa Diyos na para bang napakalayo niya, na para bang kailangan
pa siyang hikayatin na lumapit sa atin sa pamamagitan ng maraming mga salita.
Na para bang kailangang muna siyang alayan akitin o amuin o alayan maraming
regalo o sakripisyo. Para kay Hesus, ang pinakaunang dapat mabago sa ating
pananalangin ay ang ating pananaw sa Diyos at sa sarili natin kapag lumalapit tayo
sa kanya. Mahalagang alam natin kung sino tayo sa kanya.
Hindi naman tayo mga alipin na kailangang magmakaawa sa kanya na para ba
siyang isang malupit na amo o makapangyarihang hari. Sa ating ebanghelyo,
dalawang talinghaga ang ginagamit ni Hesus para ipaunawa niya sa atin kung sino
ba tayo sa harapan ng Diyos. Una, tumawag daw tayo sa Diyos kung paanong
tumatawag ang isang munting bata sa kanyang tatay. Ikalawa, makitungo daw
tayo sa Diyos katulad ng pakikitungo ng kaibigan sa kaibigan.
Simulan natin sa una: ang anak na tumatawag sa magulang. Noong seminarista pa
ako, nag-compose ako ng kakaibang version ng Ama Namin. Ginawa kong TATAY
NAMIN. Tumawa lang ang mga parokyano, ayaw nilang kantahin, masagwa daw. E
ganoon ang itinuro ni Hesus sa ebanghelyo. Sa pagdarasal ng tao sa Diyos, ang
mungkahi ni Hesus na itawag sa Diyos kung sa Ingles ay hindi “Our Father” kundi
“Our Daddy”, Kung sa Kastila, hindi “Padre Nuestro” kundi “Papa Nuestro.” Kaya
sa Tagalog, hindi “Ama Namin” kundi “Tatay Namin.” Katulad baga ng malambing
o makarinyong pagtawag ng isang bata sa tatay niya.
Para kay Hesus, hindi tayo magkakaroon ng lakas ng loob na tumawag nang
ganoon sa Diyos kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kaya sinabi niya, “Kung ang mga tatay natin dito sa lupa hindi nila matiiis na hindi maibigay ang mga
pangangailangan ng kanilang mga anak bago pa nila hilingin ang mga ito, ang
Diyos pa kaya ang makatitiis na hindi pagkalooban ng Espiritu Santo ang mga anak
niya na humihingi nito sa kanya?”
Bukod-tanging ang Espiritu Santo ang magpapalakas ng ating loob na maging
palagay ang loob sa ating kaugnayan sa Diyos, katulad ng anak na palagay ang
loob sa kanyang tatay. Ito ang tinutukoy ni San Pablo na diwa ng pagiging “anak
na inampon.” Sabi niya sa Romans 8, 14-17, “Ang mga ginagabayan ng Espiritu ng
Diyos ay mga anak ng Diyos. Hindi kayo tumanggap (aniya) ng espiritu ng
pagkaaalipin lubhang kayo’y bumalik sa pagkatakot. Ang tinanggap ninyo ay ang
diwa ng pagiging mga anak na inampon, diwang pumupukaw sa ating kalooban na
tumawag sa Diyos bilang “Tatay.” Ang Espiritu Santong kumikilos sa ating
kalooban ang nagpapatotoo na mga anak nga tayo ng Diyos, at kung anak ay mga
tagapagmana ng Diyos, kapwa tagapagmana ni Kristo, kung maging handa lang
tayo na magdusang kasama niya, upang tayo rin ay makiisa sa kanyang
kaluwalhatian.”
Takot ang batayan ng relasyon ng alipin sa kanyang amo, hindi tulad ng sa anak.
Ang sa anak ay pag-ibig sa kanyang tatay. Ito ang sinabi ni San Juan sa kanyang
unang sulat 4,18: “Walang pagkatakot sa pag-ibig. Iwinawaksi ng ganap na pag-
ibig ang pangamba dahil ito’y nagmumula sa takot na maparusahan. Kaya ang
pinaghaharian pa rin ng takot ay hindi pa lubos na umiibig.” Kung takot pa rin ang
nag-uudyok sa atin na sumunod sa batas, wala pa ring pag-ibig. Sabi nga ni San
Juan sa kanyang Unang Sulat, Jn 4:19, “Tayo ay nagmamahal dahil siya ang unang
nagmahal sa atin.”
Hindi naman natin matututuhang mahalin ang Diyos bilang anak sa ama, kundi sa
pamamagitan ni Kristo Hesus, ang bugtong na anak ng Diyos. Kaya lahat ng
panalangin natin, bilang mga Kristiyano ay hinihiling natin SA NGALAN NI HESUS.
Ang pangalawang modelo ng pakikipag-ugnay sa Diyos ay kaibigan sa kaibigan. Ito
ang narinig nating talinghaga sa ebanghelyo tungkol sa kaibigang may lakas ng
loob na gisingin ang kaibigan sa gitna ng gabi para humiram ng pagkaing ipapakain
sa kanyang bisita.
Sa ating unang pagbasa, kahit magalang makiusap si Abraham, para siyang
kaibigan na nakikipag-usap sa kaibigan. Malakas ang loob niya na makipagtawaran
sa Diyos dahil iniisip niya ang kapakanan ng kanyang kamag-anak na si Lot kung
sakaling maparusahan ang Sodom at Gomorrah at madamay sila. Ayon sa
kuwento, nakatayo nang malapit ang Panginoon kay Abraham. At lumapit pa nang
konti itong si Abraham at pabulong na nagtanong, “Maatim mo ba kung madamay ang mga walang kasalanan sa pagparusa mo sa mga may kasalanan? Paano kung
may 50 kataong walang kasalanan?”
Ganoon ang kaibigan sa kaibigan. Nagsasabi nang tapat. Dahil palagay ang loob,
kaya niyang buksan ang nasa loob niya sa kanyang kaibigan. Kaya niya itong
pagsabihan o sumbatan.
Minsan, nagreklamo daw si Santa Teresa de Avila sa Panginoon. Tinanong niya
kung bakit hinahayaan siya ng Diyos na magdusa nang labis-labis. Ang sabi daw ng
Diyos sa kanya, “Kasi, kaibigan kita.” At ito naman ang mabilis na sagot niya, “Kaya
naman pala kakaunti lang ang iyong mga kaibigan!”
Si Hesus mismo, nasabi rin niya sa kanyang mga alagad, “Hindi na alipin ang tawag
ko sa inyo sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip,
kaibigan ng turing ko sa inyo.” (Jn 15:15)
Minsan, kahit masakit, kaya mong tanggapin kapag galing sa isang taong mahal sa
iyo. Katulad ng magkapatid na Martha at Maria na kapwa nagpahayag ng sama ng
loob kay Hesus tungkol sa pagkamatay ng kanilang kapatid: “Kung nandito ka lang
hindi sana namatay ang aming kapatid.” At imbes na mangatuwiran pa siya,
nilunok na lang niya ang mapait na sumbat ng magkapatid at nakiisa sa kanilang
pag-iyak at pagluluksa.
May paborito akong dasal sa Bibliya. Magandang baunin ito at balik-balikan para
sa tamang paraan ng pananalangin. Ito ang Salmo 139. Ganito ang pahayag ng
manunulat sa kanyang panalangin, “Panginoon alam mo ang nasa puso ko at kilala
mo ako, alam mo kung kailan ako uupo o tatayo, alam mo rin kung ano ang iniisip
ko…batid mo ang pag-uugali ko. Bago ko pa bigkasin ang isang salita alam mo na
ang sasabihin ko. Nariyan ka sa likuran ko at sa unahan ko, nariyan ka sa tabi ko.
Nariyan ka’t laging nakapalibot sa akin, hawak-hawak mo ang kamay ko. Bago pa
ako isilang, naroon ka na, ikaw ang bumuo sa akin sa sinapupunan ng aking ina.”
(Homiliya Para sa Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon, 24 Hulyo 2022, Lk 11:1-
13)