LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) – Hinikayat ni Gobernador Daniel Fernando ang mga kabataan na tularan ang mga aral na iniwan ni Mariano Ponce na huwag tumigil sa pag-aaral at patuloy na tumuklas ng mga magagandang bagay.
Iyan ang sentro ng kanyang talumpati nang pangunahan niya ang pagdiriwang ng Ika-160 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Ponce sa lungsod ng Baliwag.
Nagpadala naman ng mensahe si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Chief o TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid, na naanyayahang panauhing pandangal, na kinatawanan ni TIEZA Internal Audit Department Manager Resurrecion Aspuria.
Binigyang diin ni Lapid na walang dahilan para hindi tularan ng mga kabataan ang mga ginawa at ambag ni Ponce sa pagsasabansa ng Pilipinas.
Ang inspirasyon aniya na ibinahagi at iniwan ni Ponce ay patuloy na maikikintal sa bagong henerasyon ng mga Pilipino, lalo na sa mga nagnanais maging susunod na henerasyon ng mga lingkod-bayan, diplomatiko at manunulat.
Karaniwang naaalala at nakikilala si Ponce na isang propagandista at nakatuwang ni Marcelo H. Del Pilar at Jose Rizal, sa pagtataguyod ng La Solidaridad bago ang pagputok ng rebolusyon laban sa Espanya noong 1896.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, hindi tumigil si Ponce na makapagbahagi ng kanyang kaalaman at karunungan sa iba’t ibang panahon mula isang propagandista, diplomatiko at naging halal na lingkod bayan. (CLJD/SFV-PIA 3)