Si Mayor Emerson Pascual bago namahagi ng tig-P1,000 sa mga tiga-Gapan. Kuha mula sa FB
GAPAN CITY –– Nagpahayag ng pagkadismaya si Mayor Emerson Pascual sa pagdagsa ng kanyang mga kababayan sa lansangan at ilang pampublikong lugar nitong Lunes, ilang araw matapos isailalim sa modified enhanced community quarantine ang Nueva Ecija.
Sa pulong ng Gapan City inter-agency task force ay kaagad na ipinatawag ni Pascual ang mga punong barangay at mga task force sa lungsod at iniatas angmuling paghihigpit sa kani-kanilang nasasakupan.
Nilinaw ng alkalde na sa ilalim ng MECQ ay umiiral pa rin ang mga health protocols ng ECQ bagaman at nadagdagan ang mga authorized persons outside residence.
Ngunit ikinagulat niya ang napakasikip na daloy ng trapiko at pagbiyahe ng mga tricycle. Napansin rin niya na maging ang color coding ng mga tricycle ay hindi na nasunod.
“Nalilibang yung mga kababayan ko. Akala po yata nila pag MECQ ay back to normal, hindi. Me lockdown pa rin tayo, same pa rin ang rules,” ani Pascual.
“Mag-ingat pa rin po tayo.“
Kaagad aniyang ipatutupad ang paghihigpit: “Mamayamaghihigpit na naman tayo. Huhulihin na naman yung mga iligal na lumalabas.”
Dagdag pa niya: “Hindi baleng galit kayo sa ‘kin wala lamang Covid sa Gapan. Natutuwa nga kayo sakin meron namang Covid sa Gapan, di nga?“
Sa pulong na dinaluhan rin ni nina Department of the Interior and Local Government city director Rolly Ocampo, city police chief Lt. Col. Crizelda de Guzman at iba pang miyembro ng IATF, ay napagkaisahan na ipagpatuloy ang 24-oras na liquor ban at curfew na mula alas–8 ng gabi hanggang alas-5ng umaga.
Ngunit hinihikayat ang mga establisimiyento katulad ng malls na magsara ng ika-6:30 ng gabi upang makauwi ang mga empleyado bago ang curfew.
Matatandaan na upang mahikayat ang kanyang mga kababayan na manatili sa kani-kanilang bahay sa panahon ng ECQ ay dalawang beses nang namahagi ng tig-50 kilo ng bigas, tig-P1,000, at mga ulam na hotdog, tocino, atbp. si Pascual.