Nagdaos ng talakayan ang National Commission on Indigenous Peoples – Nueva Ecija upang maipaunawa at makita ang tunay na kalagayan ng mga katutubong naninirahan sa lalawigan gayundin ay mailapit sa mga katuwang na kagawaran ng pamahalaan, pribadong sektor at iba pang mga tanggapan na maaaring makatulong sa pangangailangan ng mga katutubo. (Camille C. Nagaño/PIA 3)
LAUR, Nueva Ecija — Nais isulong ni Laur Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR Vilma Fermato ang isang ordinansa upang magkaroon ng diskwento ang mga katutubo sa pagbili ng mga kailangang kagamitan sa pagsasaka.
Ayon kay Fermato, pangunahing ikinabubuhay ng mga kapwa at kababayang katutubo ang pagsasaka kung kaya’t magiging malaking tulong kung magkakaroon sila ng katipiran sa mga gugulin sa pagsasaka.
Ito ang kanyang ipinahayag sa idinaos na talakayang naging tampok sa pagdiriwang ng World’s Indigenous Peoples Day na isinagawa sa Nueva Ecija sa pangangasiwa ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.
Isa si Fermato sa mga IPMR na nagpahayag ng kasalukuyang estado at pangangailangan ng mga nasasakupang katutubo sa Nueva Ecija.
Kabilang din sa kanyang nabanggit na kailangan ng mga katutubong komunidad ay ang pagsasaayos ng mga kalsada at drainage, ang pangkabuhayan gaya ng hog raising at microlayering gayundin ang mga kagamitang pang-eskwela ng mga kabataang katutubo.
Ayon pa kay Fermato, mahalaga ding malaman ng mga katutubo ang boundary o kung hanggang saan lamang ang sakop ng kanilang ancestral domain o lupaing ninuno.
Pahayag naman ni Provincial IPMR Emmanuel Domingo ay patuloy na nagsusumikap ang mga IPMR sa buong lalawigan upang maidulog sa mga kinabibilangang Sanggunian ang mga nais na ipasang ordinansa na aangkop at tiyak na magiging kapakipakinabang sa mga katutubong pamayanan.
Kanyang panawagan ay ipagpatuloy ang ugnayan sa mga kapwa katutubo, pagpapalaganap ng pagkakaisa at pagtutulungan ng buong sektor sa Nueva Ecija.
Ayon kay NCIP Nueva Ecija Head Donato Bumacas, ang mga Kalanguya at Domaget lamang ang mga may lupaing ninuno sa Nueva Ecija.
Kung titignan aniya ang poverty incidence, malnutrition at illiteracy rate nila ay makikita na tunay ngang nangangailangan ng tulong ang sektor at maipadama na hindi sila mapag-iiwanan o mapababayaan.
Pahayag ni Bumacas, wala pang purong Domaget na nakapagtapos ng pag-aaral, nananatiling suliranin ng grupo ang kagutuman at malnutrisyon partikular sa mga kabataang edad 0 hanggang 59 buwang gulang.
Ito aniya ang sitwasyon ng mga katutubo sa Nueva Ecija na nais ipakita sa lahat ng mga katuwang na kagawaran na maaaring makatulong upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga kasapi sa sektor. (CLJD/CCN-PIA 3)