Si SB member Atty. Sylvester Austria sa pamamahagi ng food assistance sa 27 baarangay sa Jaen,Nueva Ecija. Kuha ni Armand M. Galang
JAEN, Nueva Ecija –– Dahil sa mahabang panahon ng quarantine, maging ang pagbibigay ng ayuda sa pagkain ng lokal na pamahalaan ay kailangan na ring maging mas kasiya-siya sa taumbayan.
Ito ang ibinahagi ni sangguniang bayan member Atty. Sylvester Austria kasunod ng pamamahagi ng ikalawang wave ng food packs para sa mahigit 22,000 kabahayan sa kanilang bayan nitong Miyerkules.
Sa pangunguna ni Mayor Sylvia Austria ay ipinamahagi ng mga mga opisyal at kawani ng munisipyo ang tig-10 kilong bigas na may kasamang hot dog at tocino na binili sa lalawigan ng Pampanga sa kabuuan ng 27 barangay.
“Namigay na kasi tayo dati ng de lata at sardinas sa first wave ng food packs,” sabi Austria. Aniya, hindi naman madali ang manatili sa bahay at matIgil sa pagta-trabaho dahil sa ECQ.
Kasama sa programa ng mga miyembro ng sangguniang bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Luisito Austria, Municipal Social Welfare and Development, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga volunteer.
Ang mga namamasada ng sasakyan na nawalan ng kita dahil sa ECQ ang kinuhang tagapaghatid ng bigas upang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga ito.
Kaugnay nito ay suportado ng LGU ang pagkain ng Sito Putol, Barangay Niyugan kung saan nagmula ang 56-anyos na biyahera ng gulay sa Divisoria, Manila na namatay noong April 10 at nakumpirmang Covid-19 case nitong Linggo lamang.
Paliwanag ni konsehal Austria, isinailalim sa lockdown ang lugar kung saan may 287 na pamilya kaya kailangang ibigay ang lahat ng suporta ng LGU.
“Kahit yung frontliner ay bawal silang lumabas,” paliwanag ni Austria. Iba-iba din ang kanilang ibinibigay na pang-ulam, kabilang na rito ang karneng baboy at manok.
Nagbibigay rin aniya ang munisipyo ng personal hygiene kits doon.