Disisyon ng arbitral tribunal nagpasaya sa mangingisda

    336
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan- Nagpaabot ng kasiyahan ang mga mangingisda sa bayang ito noong Miyerkules dahil sa ginawang disisyon ng arbitral tribunal na pumapabor sa Pilipinas na sa paniniwala nila ay magiging malaya na sila sa paghahanapbuhay sa Scarborough Shoal.

    “Tuwang-tuwa kami, nagpapasalamat na nanalo ang Pilipinas na mahalaga sa mga mangingisda. Ipapaalam namin sa mga piloto ng mga bangkang kasapi sa aming samahan na malayang-malaya na sila sa paghahanapbuhay sa Scarborough,” sabi ni Flordeliza Salota.

    “Napatalon ako sa tuwa nang malaman kong nanalo ang Pilipinas. Salamat sa ating Presidente Rodrigo Duterte,” ani naman ni Dalisay Cruz, kagawad ng barangay Sisiman, Mariveles.

    Si Salota ang bagong pangulo ng Sisiman Fishing Operators’ Association samantalang si Cruz naman ang dating pangulo ng samahan na may 500 kasapi sa 39 na malalaking fishing boats.

    Karamihan sa mga bangkang ito ang nangingisda sa Scarborough Shoal mula pa noong 1998 ngunit pansamantalang tumigil nang magsimulang mang-harass ang mga Chinese Coast Guards.

    “Masaya kami dahil malaya na kaming makakapaghanapbuhay sa lahat ng dako ng bansa,” sabi ni boat captain Lino Espanola ng F/B Tres Miguel. Nakaranas umano sila ng harassment sa mga Instik kung saan nasira ang kanilang bangka matapos bombahin ng malakas na tubig.

    “Salamat mahal na Presidente,” sabi ni Espanola at ng iba pang mangingisda.

    “Matapos ang aming bangka, punta kami sa Scarborough,” sabi ni Lodgie Pagaleng, skipper ng F/B John Michael na nasira ng bagyo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here