Diretsahin na, kung ano talaga

    460
    0
    SHARE
    Kung katulad nitong desidido pa ring
    Tumakbo itong si Erap sa darating
    Na halalan kahit may mga nagsabing
    Election lawyers na di na siya pupuedeng

    Kumandidato pa… ay makabubuting
    Ngayon pa lamang ay tuwirang tapatin
    Na ng Comelec at/o Supreme Court natin,
    Ang legalidad ng balak niyang gawin.

    At di ‘yung kung kailan gumastos na’t lahat
    Saka kukuwestyunin ng Comelec en banc
    O ng Court of Justice na si Mr. Erap
    Ay di na po pala puede o “qualified?”

    Bunsod ng kung anong “legal impediment,”
    Na talaga namang may “negative effect;”
    Gaya halimbawa r’yan ng naging “judgement”
    Ng Sandigangbayan sa kanyang “plunder case”.

    At kung saan tila ginigiit pa rin
    Ng dating Pangulo na siya ay di “resigned,”
    Kundi “on leave” lang yatang itinuturing
    Nito ang nangyaring patalilis manding

    (Pagtakas?) o kusang paglisan sa puesto
    Nang mapagtano niyang hindi na po nito
    Kayang salagin sa harap ng publiko
    Ang pagkadawit sa mabigat na kaso?

    Kung “on leave” lang siya ano’t di nagawa
    Nito ang bumalik sa puesto ng kusa?
    At kung di dahil kay PGMA yata
    Ay di pa rin nga po siya nakalalaya?

    Ipaghalimbawa na nating puede pa
    Ayon sa sariling paniwala niya,
    Pero naisip po kaya ni Estrada
    Na mas malamang na matatalo siya?

    At ang pag-asang siya’y muling iboboto
    Ng Masa, na aniya’y siya itong gusto,
    Ay magtitiwala pa kaya ng husto
    Sa pagkatao ng dati nilang “hero?”

    Na pinutakti ng samut-saring isyu
    Ng katiwalian habang nasa puesto?
    Kung saan malinaw na “convicted” ito
    Ng kasong “plunder” sa harap ng husgado?

    Kaya lang kung ganyang wala pa ring kusa
    Namang nagsabi o kay Erap nagbadya,
    Na siya ay di na puedeng humabol nga,
    (Liban kay Atty. Makalintal yata?)

    Natural lamang na sa isip ng dating
    Itinuturing nating pang-“box office king,”
    Ay 99.9 percent pa ang “rating”
    Ng kasikatan niya, ang aagaw pansin;

    Sa mga botante upang kaipala
    Ay pamuli nitong mapapaniwala
    Ang lahat, na siya ay nagbago na nga
    At ang dating bisyo’y inalis ng kusa.

    Sana naman kahit ala usad pagong
    Kung kumilos ang Commission on Elections,
    Bago makapag-file ng C.O.C. itong
    Lahat ng may kaso at “ex-convict” ngayon,

    (Na may adhikaing kumandidato r’yan,)
    Ay makalikha ng ang Comelec en banc
    Ng kung anong marapat na panuntunan,
    Upang ang bulok na sistema’y maharang!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here