Aminado si Direk Lino Cayetano na sa kanilang tatlong magkakapatid, mas masarap ang buhay niya sa showbiz world kaysa sa kanyang ate na si Pia at kuyang si Alan Peter na kapwa nasa politics at kasalukuyang Senador ng ating bayan.
Habang siya raw ay ine-enjoy ang glitz and glamour sa showbiz, ang mga kapatid naman niya ay araw-araw nakikibaka bilang Senador.
Bagama’t masasabi na ring nasa mundo ng pulitika si Lino dahil naging barangay captain siya sa Fort Bonifacio, Taguig for the last 2 years, ang focus pa rin daw niya ay ang pagdidirek at hindi niya iniwan ang showbiz.
But this time, pansamantalang iiwan ni direk ang buhay-showbiz para tahakin ang mas malaking hamon sa kanyang buhay at ito ay ang tuluyan nang pagyakap sa mundo ng pulitika. Ngayong eleksyon 2013 ay kandidato si Lino bilang Congressman ng 2nd District ng Taguig, City.
Dahil nabanggit nga niyang mas masarap ang buhay niya bilang direktor, natanong si Lino kung bakit aalis pa siya sa showbiz at kung bakit mas gusto niya ang sinasabi niyang buhay na mahirap tulad ng kanyang mga kapatid.
Medyo naging emosyonal ang bunsong anak ng yumaong Sen. Rene Cayetano habang sinasagot ang tanong dahil naaalala niya ang kanyang ama.
“My dad never saw me become a director. Noong namatay siya, teacher ako sa UP, apat na taon akong nagturo and when he died, he really left us a legacy of service.
“And I’m sure, masaya siya sa mga nagawa kong trabaho dito sa ABS-CBN. Minahal niya talaga ang industriyang ito at minahal n’yo rin siya.
Hindi po siya magiging Rene “Compañero” Cayetano kung hindi dahil sa Compañero y Compañera (dating public affair show ni Atty. Cayetano sa Dos with Gel Santos-Relos), na dahil po sa pagmamahal nitong entertainment industry.
“So, parang naisip ko rin, at the age of 35, I really have everything I want in my life. I was so blessed sa unit ni Sir Deo (Endrinal, business unit head sa ABS-CBN), nabigyan ako ng maraming responsibilidad, magagandang shows, they gave a good contract.
“But if I can do more, why not? The President didn’t have to run for President, si Pres. PNOY (Aquino), maganda na rin ang buhay niya, anak siya ng dalawang bayani pero ngayon, itinataya niya ang sarili niya na araw-araw, may batikos,” mahabang paliwanag ni Lino sa kanyang solo presscon recently.
Maging ang mga kapatid daw niya ay puwede namang piliin ang tahimik na buhay kung tutuusin, pero heto’t mas pinili ang magsilbi’t itinaya rin ang mga sarili.
“So, sa akin, ’yun na rin ang magiging inspirasyon ko. Hindi ko naman sinasabing magpapakabayani ako but maybe, I can help a little more,” he added.
Nang tanungin nga ang direktor kung hihingin ba niya ang suporta ng mga ex-girlfriend niyang sina KC Concepcion, Bianca Manalo and Liz Uy, natawa si Lino at say niya, hindi raw niya alam kung paano sasagutin ang tanong kaya bahala na raw si Kris Aquino at Sir Deo tungkol dito.
Pero inamin ni Lino na hanggang ngayon ay mahal pa rin daw niya ang last girlfriend na si Liz at sa ngayon ay wala pa raw siyang bagong girlfriend ulit.
“Mahal ko pa rin naman siya talaga, she’s very special to me,” he said.
Last project na ni direk Lino sa ABS-CBN ang Aryana na malapit nang magtapos sa ere.