IBA, Zambales — Naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. sa pagdiriwang ng Dinamulag Mango Festival 2024 na magsisimula ngayong buwan ng Mayo.
Ang nasabing pagdiriwang ay naglalayon na mai-promote at patuloy na maisulong ang produksyon ng ipinagmamalaking pinakamatamis na manggang Zambales.
Magbubukas sa publiko sa May 5 ang Dinamulag Food Bazaar na matatagpuan sa Iba Sport Complex.
Magkakaroon din ng color fun run para sa open category na may distansyang 5km na magtatapos sa Iba Sport Complex. Ang mga mananalo ay makakatanggap ng cash prize na P4,000 sa 1st Place; P3,000 sa 2nd Place; P2,000 sa 3rd Place; at tig-P500 sa 4th hanggang 10th Place. Ang young finisher, oldest finisher at
senior citizen ay makakatanggap ng tig P1,000 naman.
Para sa mga Zambaleños na mahilig sa magbisikleta magkakaroon din ng Gov. Ebdane Mountain Bike Challenge mula Iba hanggang Palauig pabalik na may layong 21km.
Kasunod naman nito ang Lumba Tamo para sa Road Bike Race na may layong 150 km na magsisimula sa Barangay Maloma, San Felipe, hanggang Sta Cruz pabalik at magtatapos sa Iba Sports Complex.
Magkakaroon din ng kumpitisyon ng Zamba Liwanag Float Parade ang 13 bayan ng Zambales, national line agencies, private schools, colleges and universities, private business establishments, at iba’t ibang social, cultural, religious, at people’s organizations.
Ipapakilala din dito ang 18 official candidates para sa Bb. Zambales 2024.
Samantala, isang Gov. Hermogenes Ebdane Fun Shoot ang ganapin sa May 4, 5, 6 at 7 sa Camp Conrado Yap sa Iba kasabay nito ang caravan sa License To Own and Posses Firearms. Magkakaroon din ng gun show na gaganapin sa Iba Sport Complex.