Digong at Bongbong, nangunguna pa rin?

    310
    0
    SHARE
    Ang di pagsipot ni Bongbong sa dibate
    ng mga ‘aspirants’ sa pagiging Bise
    ay may kaakibat na pasimpleng siste
    kundi man tuwirang grabeng pag-atake

    Laban sa anak ni ‘Apo’ ng Ilocos,
    sa di n’yan pagdalo’t makuhang masagot
    ang mga pagpuna’t matinding batikos
    Nang dahil sa hindi nga nito pagsipot.

    At sa pakiwari marahil ng iba,
    patikular na riyan ang ayaw sa kanya,
    ang batang Marcos ay umiwas talaga
    sa kung anong bagay kaya di pumunta?

    Gaya halimbawa sa kung anong kaso,
    na ibinibintang sa magulang nito,
    Na hanggang ngayon ay di pa resolbado
    at/o ‘still pending’ pa rin sa husgado.

    Kaya hayan, imbes na kanyang masalag
    ang mga batikos na mabigat-bigat,
    laban sa yumaong ama ay maluwag
    na naibato ng katunggaling apat.

    At lahat ng bagay na makasisira
    sa kandidatura niya ay malaya
    nilang sa publiko ay inihayag nga
    pagkat nang oras na iyon siya’y wala!

    Na aywan lang natin kung ano talaga
    ang tunay na rason kung bakit hindi siya
    nakadalo sa paanyaya sa kanya
    ng kung sinu-sinong nag-host ng programa.

    Pero ano pa man yatang negatibo
    at di magagandang bagay na ibato
    kontra kay Bongbong ay lalong nagpabango
    sa kanyang pangalan sa harap ng tao?

    Ya’y base na rin sa ‘survey’ na malinaw
    nating nakikita riyan sa araw-araw;
    Kung saan ang nangu-nguna ay si Bongbong
    sa katunggali n’yan – (kagaya ni Digong?)

    At kahit anuman yatang kapintasan
    ang puedeng ibato sa pagkatao n’yan,
    Duterte at Bongbong pa rin yata ang siyang
    ninanais maging Pangulo at Bise riyan?

    Ng nakararami… kahit ano yata
    ang sa kanila ay napapabalita
    na di mainam o dapat ikatuwa
    ng iba – dahil sa may kapintasan nga.

    Partikular na si Duterte anila,
    na kadalasan ay nagsasalita siya
    ng mga bagay na (biro lang sa kanya),
    pero di maganda sa tingin ng iba.

    Kung saan posibleng sa tinagal-tagal
    ng mga ganitong sa bibig nunukal,
    Di malayong ikasira ng personal
    niyang imahe ang salitang garapal.

    Sa puntong ito si Alan Cayetano
    marapat magsabi kay Digong siguro
    ng: “Mayor, mali ang pagkasabi ninyo,
    ganito dapat ang magandang estilo”.

    Total siya mismo itong kay sir Alan
    ang nagsabi na kung may mali siyang hakbang,
    i-‘remind’ nga siya nitong ka-tandem n’yan
    upang maitama sa dapat kalagyan.

    Alalaon baga, sa puntong nasabi
    tayo na marahil sa ating sarili
    ang dapat humusga, (sa Mayo a nuebe)
    kung talagang gusto natin si Duterte;
    (at si Bongbong bilang Bise Presidente)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here