Di pa tiyak kung kailan isasagawa ang special elections sa Bulacan

    398
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Wala pang tiyak na araw kung kailan isasagawa ang special elections para sa unang distrito ng Bulacan na sanhi ng pagkabasura sa Lone District ng Malolos.

    Gayunpaman, sinabi ni Atty. Sabino Mejarito, ang Bulacan Provincial Election Supervisor na posibleng maisagawa ang special elections bago magbukas ang ika-15 Kongreso sa Hulyo.

    Ngunit may nagsasabi rin na posibleng maisagawa ito sa loob ng anim na buwan matapos ang halalan sa Mayo.

    Ayon kay Mejarito, walang dapat ipangamba ang botante ng unang distrito ng Bulacan sa dahil nakahanda sila sa pagsasagawa ng special elections matapos ang halalan sa Mayo.

    “It will be easy because everything is in place and we will be using the PCOS,” aniya patungkol sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na gagamitin sa Mayo.

    Para kay Mayor Danilo Domingo ng lungsod na ito, maaaring abutin ng halos anim ba buwan bago maisagawa ang special elections.

    Ito ay dahil sa dadaan pa rin sa proseso ang pagsasagawa ng special elections.

    Inayunan ito ni Mejarito na ang special election ay nakakatulad lamang ng regular na halalan dahil sa magpa-file din ng certificate of candidacy (COC) ang mga kandidato at mangangampanya ayon sa itinakdang araw.

    Gayunpaman, sinabi niya na posibleng paikliin ang panahon ng kampanya para sa special elections.

    Sinabi pa niya na sa kasalukuyan, maaari na ring sumabay sa kampanya ang mga kandidato para sa unang distrito ng Bulacan na sina incumbent Rep. Marivic Alvarado ng Lakas-Kampi-CMD, at Governor Roberto Pagdanganan ng Nacionalista Party (NP).

    Sa kasalukuyan, mapapansin na madalang ang mga poster nina Alvarado at Pagdanganan na nakakalat sa unang distrito kumpara sa mga poster ng ibang kandidato sa pagka-bokal, mayor, konsehal at vice mayor na kahit hindi pa nagsisimula ang kampanya sa lokal na posisyon ay halos matakpan ang mga poster ng mga kandidato sa mga pambansang posisyon.

    Ang mga kandidato naman para sa nadiskwalipikang lone district ng Malolos ay sina Mayor Domingo ng  Liberal Party (LP), Francisco Aniag ng Partido ng Masang Pilipino (PMP), at mga independienteng sina Francisco Cruz and Tomas Valencia na nagsipagsumite ng kanilang COC para sa lone district of Malolos bago dumating ang deadline noong December 1. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here