Home Opinion Di na magluluwat

Di na magluluwat

454
0
SHARE

ANG UNANG pagbasa mula kay propeta Isaias ang pagkukuhanan natin ng inspirasyon para sa unang araw ng ating simbang gabi. 

Ayon sa propeta, sinabi daw ng Panginoon: “Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.” 

DI NA MAGLULUWAT. Sigurado ako na hindi na alam ng marami sa inyo, lalo na ng mga kabataan, ang ibig sabihin ng salitang ito: “magluwat.” Tingnan ko nga; pakitaas nga ang kamay ng mga nakakaalam ng meaning ng salitang ito?

Sa mas simple at modernong Tagalog, ang magluwat ay “magtagal.” Kaya alam ko, dahil Kapampangan din ang salitang ito. Pag naiinip na kami sa kahihintay sa Kapampangan sinasabi namin, “O’t kaluwat?” Kung gusto mong tanungin ang kamag-anak mong umuwi para dito sa Pilipinas mamasko, pwede mong itanong “Magluwat ka keti Pilipinas?” Magtatagal ka ba dito sa ating bansa?

“Di na magluluwat,” ibig sabihin hindi na magtatagal, o sa loob ng kaunting panahon na lang. In short, malapit na. Kahapon ipinagdiwang natin ang Linggo ng Gaudete. Kaya ang dating madilim na kulay ube ay lumiwanag; naging kulay rosas na. Ibig sabihin—malapit na. (Tingnan mo tayo—hindi pa Pasko, nagsuot-puti na ang pari para sa simbang gabi at kumanta na tayo ng Gloria. Di talaga tayo makahintay.)

Ang nakapagtataka sa ating unang pagbasa ay ang kasunod na linya: “Mapalad ang taong gumagawa nito, ang anak ng taong ang tuntuni’y ito.” 

Hindi pala sapat na maghintay lamang sa pagdating ng Panginoon, na parang basta lang ito mahuhulog mula sa langit. Magiging malapit na ang pagdating niya kung gagawin natin “ang dapat gawin”. Kaya ang kasunod na tanong natin ay: ano ba ang dapat gawin upang mapabilis ang pagdating ng Diyos?” Di ba ito rin ang tanong kahapon sa ebanghelyo ng mga nagpapabinyag kay Juan at sumasama sa kanyang: “Ano ba ang dapat gawin?”

Narinig natin ang sagot ni Juan: na kung ibig natin mas mapabilis ang pagdating ng Panginoon, “pag-aralan daw natin na magbahagi ng kahit anong konting meron tayo sa mga wala: damit o pagkain, basta matamis o bukal sa kalooban. Na kusang umiwas daw sa masamang gawain tulad ng pangingikil at pangungurakot, pagpaparatang sa kapwa ng hindi totoo…” Hinihiram ni Juan Bautista ang mensaheng ito kay propeta Isaias. Sa Isaias 58:6-8, sinabi ng propeta

“Kung titigilan ninyo ang paggawa ng masama, kung paiiralin ninyo ang katarungan, kung palalayain ninyo ang mga inaalipin at tutulungan ang mga inaapi. Kung babahaginan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, kung patutuluyin ninyo ang mga dayuhan…” ano ang mangyayari?

“Kapag ginawa nʼyo ang mga ito, darating sa inyo ang kaligtasan na katulad ng bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.”

May dagdag pa ang propeta: 

Kung matutunan daw nating ituring bilang kapatid, hindi lang ang kadugo, kapamilya, kababayan, kaalyado o karelihiyon, tayo mismo ay magiging hindi na iba sa Diyos, dahil tayong lahat ay anak niya.

Hindi ba itinuro ni Hesus sa alagad niya na “maging maawain mung paano ang kanyang ama ay maawain?” Kung tunay palang nalalapit tayo saDiyos o dumarating siya sa buhay natin, ang pinakamalinaw na tanda ay: Wala tayong itataboy o ie-etsapwera. Sabi nga ng propeta: “Ang bahay ng Diyos ay dapat maging tahanan ng panalangin para sa lahat.” Todos, todos, todos, wika nga ni Pope Francis.

Kaya madalas nyo ring marinig sa akin na ang Misa ay hindi isang eksklusibong samahan ng mga matuwid at karapatdapat. Ang simbahan ay bukas para sa lahat: sa binata, dalaga, single parents, sa kasal, hiwalay, o diborsyado, nakasapatos, o nakatsinelas, o kahit walang tsinelas, babae, lalaki, bakla, tomboy, may pinag-aralan o wala, mabait o pasaway, may pinag-aralan o wala, bata, matanda.

Ito ang binago ni Kristo sa kinagisnan niyang pananampalatayang 

Hudyo. Bago pumasok si Hesus sa kasaysayan, ang sinumang hindi kamag-anak ni Abraham ay tinatawag na Hentil, ibig sabihin hindi daw kasali sa bayang Israel. Hindi daw pag-aaksayahan ng panahon ng Diyos para iligtas. Ang misyon ni Hesus ay magtayo, hindi ng mga bakod sa pagitan ng mga tao kundi ng mga tulay na mag-uugnay, kung paanong sa kanyang iisang persona, pinagsama ang pagkadiyos at pagkatao. Kaya sabi ni San Pablo sa mga Taga-Galacia 3:28: “’Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy na kay Cristo na.”

(Homiliya para sa Unang Simbang Gabi, 16 Disyembre 2024, Isa 56, 1-3a. 6-8 and Jn 5:33-36)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here