Habang mabilis na papalapit itong
Nakatakdang araw ng ating paghatol
Sa naglipana r’yang mga kandidatong
Halos walang hinto sa mga maghapong
Pangangampanya sa iba’t-ibang lugar
At gumagasta ng di lang daan-daan
Kundi libo-libong piso araw-araw,
Partikular itong ating pang-nasyonal
Na ‘aspirants’ para sa pagka-senador,
At kung saan bago pa man mag-eleksyon
Ya’y pihong nagtapon na ng milyon-milyon
Sa kaiikot sa iba’t-ibang rehiyon
Upangang sarili ay ipakilala
Sa harap ng bayan at masabi nila
Ang naisin niyan at mga plataporma,
Na siyang sa lahat na’y lubhang mahalaga
Para makuha ang simpatya ng tanan
At masungkit n’yan ang mahalagang halal
Ng masang lagi ng pinangangakuan
Ng magandang bagay tuwing maghalalan.
At kung saan kaakibat nito’t tiyak
Ay salapi nga pong halos limpak-limpak
Ang pinamumudmod pa ng walang habas
Nitong iba para lamang makatiyak
Ng panalo – saan posibleng humantong
Ang ganito kundi sa grabeng corruption
At sa walang habas din na pandarambong
Para masambot ang pinuhunang millions?
(Na kung saan minsan yan ay naging mitsa
Na ng pandarambong ng napatalsik na
Pangulo ng bansaat ng asawa niya
Na umano’y naging limatik sa pera?).
Kaya kung di natin sadyang ninanais
Na ang pangyayaring ito ay maulit,
Kabayan, salaing mabuti ang nais
Iboto sa mga sa’tin lumalapit
Bago markahan ang bilog na katapat
Ng pangalan nila sa balotang hawak,
Sa pangkalahatan na ng naghahangad,
Pang-nasyunal man o pang-lokal na ‘slot’.
At kailan pa nga ba sa ating gobyerno
Tayo maaaring maglagay sa puesto
Ng dukha subalit tunay nga pong tao,
Na may gintong puso’t banal na prinsipyo
Kung ang sukatan sa nagiging opisyal
At may karapatan bagang manungkulan
Ay itong pilak ang kutsara sa pinggan
At nahihiga sa pera ang kailangan?
Bakit di tingnan sa anong kakayahan
Mayrun itong nais makapanungkulan
Ng buong puso sa kanyang Inangbayan,
At walang hangaring personal na bagay
At di sa kung ano ang kayang ibigay
Ng kung sino r’yan ang ating titingnan,
(Kung kaya lang natin sila ihahalal),
Pagkat bandang huli ay may kapalit yan.
Di ko sinasabing puro mandarambong
Ang lahat ng nasa katungkulan ngayon,
Pero hindi nga ba’t mitsa ng corruption
Ang sobrang gastusin sa tuwing eleksyon
Nitong ika nga ay naghaharing uri
Ng angkan lalo na nitong masalapi?
Na kung saan bihira kang makapili
Ng isang ‘Nanay’ sa bunton ng salapi;
(Na sadyang malinis, tapat at palagi
Nang maasahan sa lahat ng sandali!)