Di dapat matukso sa namimili ng boto

    372
    0
    SHARE
    Panahon na naman ngayon ng halalan
    Kung kaya’t gaya ng mga nakaraang
    Eleksyon ay pihong daragsa na naman
    Itong manghihingi sa basbas ng bayan;

    Na kaya lang tayo maisip dalawin
    Ay kung panahon ng botohan sa atin
    At kailangan nila ang tangkilik natin
    Upang managumpay sa mga mithiin.

    Ang pakamay-kamay at patapik-tapik
    Sa ating balikat muling mananaig
    At kung anu-anong ubod ng tatamis
    Na pangako itong ating maririnig.

    At sa araw-araw na ginawa ng Diyos
    Ay piho rin namang diyan mag-iikot
    Itong maiingay nilang mga “showboat”
    Na naglipana sa iba’t-ibang pook.

    At kaakibat n’yan, di lang daang libo
    Itong ika nga ay susunuging piho
    Ng nakararami nating pulitiko
    Na naghahangad na maupo sa puesto.

    Konsumo pa lang sa kanilang sasakyan
    Ay di na kakaunting pera ang kailangan,
    Kung kaya’t tiyakang umpisa pa lamang
    Ng “campaign period” ay namuhuman na yan.

    (Kaya di malayong kapag ya’y nanalo
    Ay ano pa nga bang uunahing piho
    Kundi paniningil habang nasa puesto
    Kaysa gampanan ang katungkulan nito?)

    Kaya’t piliin natin ng buong ingat
    Kung sino at alin ang karapat-dapat;
    At huag sa sinumang namudmod at sukat
    Tayo pasisilaw at basta kakagat.

    Pagkat imbes makabuti sa gobyerno
    Ay baka lalo lang mababaon ito,
    Kapag nagkamali tayo sa pagboto
    Ng mga “corrupt” at walanghiyang tao.

    Gugustuhin mo pa ba naman, kabayan
    Na maging mitsa ng pangungurakot d’yan
    Ang walang habas na gastos sa halalan
    Ng nakararaming gustong manungkulan?

    Marahil may iba pa namang solusyon,
    Na kung papaanong sa pagkakabaon,
    Ang Pilipinas ay muling makabangon
    Sa kamay ng taong may mabuting layon.

    At di tulad nitong ating pikit-matang
    Inihahalal ang kung sino na lamang,
    Na basta’t may kuartang ipinamimigay
    Ay ibinoboto na ng karamihan.

    Bakit di pumili ng mabuting tao
    Na may kakayahan at angking talino,
    At di sa magkano ang binigay nito
    Kung kaya lang natin siya iboboto?

    Sapagkat tayo rin naman kabalen ko
    Ang sisingilin n’yan pagka-upo nito;
    Na karaniwan na sa panahong ito,
    Sa nakararaming mga pulitiko!

    Na sa pinuhunan nilang daang libo
    Ay di lang ibayo ang isingil piho
    Kundi milyones na habang nasa puesto,
    At nagpapasasa sa perang gobyerno!!!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here