Home Headlines DFA: Marcelo H. Del Pilar naglatag ng pundasyon para sa matatag na...

DFA: Marcelo H. Del Pilar naglatag ng pundasyon para sa matatag na republika

279
0
SHARE

BULAKAN, Bulacan (PIA) — Inilatag ni Marcelo H. Del Pilar ang mga pundasyon para sa isang Pilipinas na may matatag na republika.

Iyan ang sentro ng talumpati ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro nang pangunahan niya ang pag-alaala sa ika-175 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayani sa kanyang pambansa dambana sa Bulakan, Bulacan.

Ayon sa kalihim, sadyang ang kaisipan ni Del Pilar ay higit pa sa kanyang panahon kung saan natatanaw niya ang hinaharap na dapat tamasahin ng mga Pilipino sa kasalukuyan bilang isang republika.

Pinangunahan ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro ang pag-alaala sa Ika-175 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar sa kanyang pambansa dambana sa Bulakan, Bulacan. Sentro ng kanyang mensahe ang pagkilala kay Del Pilar bilang naglatag ng mga pundasyon para sa isang matatag na republika. (Clarence May F. De Guzman/PIA 3 GIP)

Sa maagang kamalayan niya sa konsepto at prinsiyo ng ugnayang panlabas, itinaguyod ni Del Pilar ang mga kilusang propaganda upang isulong ang mga reporma na dapat magkaroon ng kinatawan ang Pilipinas sa Cortez na parliamento ng Espanya.

Bagama’t hindi ito natupad sa panahon ni Del Pilar, naisakatuparan ito mismo ng mga Pilipino nang itatag at buksan ang sesyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 sa simbahan ng Barasoain sa Malolos.

Ang parliamento ay isang uri ng demokrasya kung saan bumuboto ang mga tao upang katawanin sila sa pagbalangkas ng mga patakaran at pangangasiwa sa pamahalaan.

May mga tala rin sa Dyaryong Tagalog na isinulat ni Del Pilar noong Nobyembre 1882, na humihikayat sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas, na magtatag ng hukbong dagat para mapangalagaan ang karagatan at mga isla nito.

Sa isyu ng La Solidaridad noong Nobyembre 15, 1895, inilahad naman ni Del Pilar na dapat magkaroon ng sariling hukbong dagat ang Pilipinas.

Bagama’t itinuturing siya na kalaban ng kolonya at ng simbahan, tumugon ang Espanya sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Royal Decree kung saan idineklara ang Subic Bay bilang isang base ng hukbong dagat o naval base noong 1884.

Sinabi rin ni Lazaro na isang malakas na tagapagtanggol ng karapatang pantao ang abogadong si Del Pilar dahil sa mariing pagtuligsa nito laban sa katiwalian sa kolonyal na pamahalaan at sa simbahan.

Katunayan aniya, kitang kita ito sa mga dupluhan at dalitan na kanyang itinanghal sa mga pista sa barrio na nagsiwalat ng mga katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Kakambal ng pagtataguyod sa karapatang pantao at paglaban sa katiwalian, ang matinding paninindigan ni Del Pilar para sa katotohanan.

Binigyang diin ni Lazaro na nagsilbing malakas na tinig ng mga Pilipino ang bayani laban sa paggamit ng mga prayle sa simbahan upang makapang-abuso.

Mababasa iyon sa kanyang mga isinulat sa Diariong Tagalog na itinatag noong 1882. I

ba pa rito ang maraming mga babasahin na kanya ring isinulat na nagsiwalat sa nasabing masasamang gawa tulad ng Cai-igat Cayo, Dasalan at Tocsohan, Kadakilaan ng Dios, La Soberania Monacal at La Frailocracia Filipinas.

Kaugnay nito, kinatigan ni Gobernador Daniel Fernando ang tinuran ng kalihim at sinabing lalong napapanahon na dapat mas igiit ng mga Bulakenyo ang katotohanan.

Hindi aniya magtatagumpay ang isang bayan kung walang katotohanan at hindi tuluyang masusugpo ang katiwalian.

Binigyang diin pa ng gobernador na ang kasalukuyang usapin sa mga proyektong kontra baha na naiuugnay sa mga alegasyon ng katiwalian, ay panibagong hamon sa mga Bulakenyo upang sikaping manahin ang katatagan ng loob ni Del Pilar para panindigan ang katotohanan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here