Kamaikailan inilunsad ng DoST ang Project NOAH (Nationwide Operation Against Hazards).
Mismong ang Pangulong Benigno “Ninoy” Aquino III ang nagpursiging maisagawa ito at kamakailan pinangunahan niya ang pasinaya nito.
Kung matatandaan ninyo mga kabalen minsa’y “napuno na rin ang salop” sa pasensya ni P-Noy dahil sumablay ang PAG-ASA sa pagtaya sa direksiyon ng bagyo. Resulta: Nagtungo ang mga disaster teams sa mga pook na ‘di sila kailangan, at ‘di nakapaghanda sa mga lugar na lubhang nasalanta.
Sa Project NOAH masisiguro kung saan magiging maulan gamit ang makabagong scanning devices at rain meter. Matagal na rin tayong naghintay sa pag-level up ng PAG-ASA at DoST sa pagtaya sa panahon.
Ngayon, sabi nga ni P-Noy, tapos na ang panahon ng kaba.
Bahagi ng proyekto ang pag-install ng mga bagong weather gadget sa mga piling lugar.
Malaking tulong din ito sa kakayahan ng bansa na makapagbigay ng mga updates sa mga international weather stations sa tuwing may bagyo o low pressure area na pumasok o namuo sa ating Area of Responsibility.
Sa biblical history, si Noah, tinuring na napakabuting tao, ang “inatasan ng Panginoon” na maghanda sa naka-ambang delubyo. Sinabihan din siyang gumawa ng arko na maglululan sa bawat uri ng hayop at mga taong makikinig sa panawagan.
Pinapaghanda rin ng pagkaing sasapat sa mahabang panahon. Ibinahagi ni Noah sa mga tao ang panawagan na kung hindi sila magbabago, bubuhos ang malakas na ulan sa mahabang panahon, at babaha sa mundo.
Walang naniwala kay Noah maliban sa mga malalapit na kamag-anak, bagkus pinagtawanan siya at inakalang nahihibang, lalo na nang makita siyang gumagawa ng ga-higanteng arko.
Hindi nagbago sa maling gawi ang mga tao. ‘Di katagalan naging totoo ang mga paalala ni Noah. Kalunos-lunos ang mga hindi naghanda.
Mga kabalen, nananariwa ang kwento ni Noah sa mga nagaganap ngayon sa bansa at sa mundo sa unti-unting pagbabago ng panahon, o climate change, bunsod ng global warming na nagdudulot ng mga mas matindi at mas mahabang pag-ulan (La Niña) at mas mahaba at mas maalinsangan mga tag-araw (El Niño).
Nito lang Sabado nai-ulat na 78 ang namatay sa Russia dahil sa pagbaha. Sa bansa, nitong taon, lampas sa 20 na ang namatay sanhi ng pagkalunod, landslide, at aksidente sa kasagsagan ng mga ulan.
Bagamat “hulog ng langit” ang Project NOAH, kailangan din ng pagbabago sa ating mga kaugalian sa pagbabantay sa pag-aalaga sa ating kalikasan. Iwaksi na natin ang walang habas na pagkalbo ng kagubatan at pagdurumi sa ating kapaligiran at yamang tubig.
Sapagkat ang “hulog ng langit” na kagalingang ipinagkaloob sa atin ng Dakilang Lumikha ay masasayang kung hindi natin gagamitin sa tama. Pagtulungan natin ang paghahanda sa mga naka-ambang delubyo.
Nagsusulong ang inyong lingkod ng panukakalang Depensa Bill kung saan ang lahat ng LGU na makapaglulunsad ng programa ng paghahanda sa mga epekto at panganib ng climate change, gaya ng pagbaha, tagtuyot, at tumataas na temperatura sa karagatan, ay mabibigyan ng pondo, kapag naisabatas ito.
Idagdag ang responsibleng pagtapon ng basura. Napatunayan uli natin kung paanong ang nakabarang basura sa mga daluyang tubig ay magre-resulta sa ‘di-inaasahang pagbaha, tulad ng nakita natin sa kahabaan ng V. Luna Ave., Quezon City makaraan ang isang magdamag lang na matinding pag-ulan kamakailan.
Mga kabalen, tayo ay may sapat na kakayahan sa paghahanda kung gugustuhin natin, lalo na sa pagwaksi sa mga baluktot na gawi na sumisira sa kalikasan.
Kaya nating pigilang danasin ang tulad ng sinapit ng mga ‘di naniwala kay Noah.
Maging todo sana ang suporta natin sa mga adbokasiya sa pag-iingat sa kalikasan.
Tayo rin naman ang makikinabang at pagpapalain sa bandang huli.
Okay lang magpursigi sa pag-unlad ng bansa, kung tayo rin — sa pagtatanim, pangingisda, paghahayupan, pangangahoy, at pagmimina — ay magiging maingat, masinop, at sustenable ang pamamaraan.
Ito ang mga mahalagang elemento ng paghahanda na magpapabagal sa mga epekto ng climate change.