Home Headlines Depektibong rubber gates ng Bustos Dam pinapapalitan

Depektibong rubber gates ng Bustos Dam pinapapalitan

500
0
SHARE
Ang mga nakakabit na rubber gates ng Bustos Dam na lumabas sa pagsusuri ng isang kumpanya sa Australia na mababa ang kalidad nito. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinapapalitan ni Bulacan Gov. Daniel Fernando sa kontratista ng National Irrigation Adminiatration ang anim na rubber gates ng Bustos Dam dahil pawang mga substandard daw ang mga ito.

Matatandaan na may dalawang taon na ang nakararaan nang bigyan lamang ng pansamantalang solusyon ang nasirang rubber Gate Number 5 ng Bustos Dam na nilagyan lang ng steel file at mga sandbag.

Ang pagkasira sa Gate Number 5 ay matapos lamang ang halos dalawang taon nang ito ay sumailalim sa rehabilitasyon.

Ani Fernando, pansamantalang remedyo lang ang ginawa dito at nagpadala ng sulat ang Kapitolyo sa contractor nito na binibigyan lang nila ng hanggang 10 araw para tumugon.

Napag-alaman ng Punto na ang contractor ng rehabilitation ng Bustos Dam ay ang ITP Construction, Inc. habang ang supplier naman ay ang Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. na hindi napalitan ang damaged rubber bladder sa Bay 5 na nag-collapsed noong first half ng 2020 habang nasa ilalim pa ng warranty.

Hiling ni Fernando sa kontratista ng NIA na palitan na ang mga rubber gates ng Bustos Dam sa lalong madaling panahon.

Aniya, sinabi nila sa pagpupulong sa NIA na huwag lamang kumpunihin ang nasirang rubber gates sa Bay 5 kundi palitan ito ng anim na bago na may mataas na kalidad ng materyales.

Lumabas sa pagsusuri ng isang kumpanya sa Australia na mababa ang kalidad ng mga materyales na ginamit sa rubber bladder na ito ng Bustos Dam.

Kaya’t napagkasunduan na din sa pagpupulong ng Kapitolyo sa NIA na sa ngayon ay papalitan na ang Gate Number 5nguni’t muling ipasusuri sa Singapore ang nasabing mga rubber bladder na kung lalabas na naman substandard ang mga ito ay papapalitan na ang lahat ng rubber gates na ikinabit.

Binigyang diin ni Fernando na delikado kapag bumigay o masira ang mga rubber gates ng dam kaya dapat itong palitan. Sa ngayon ay wala pa namang plano si Fernando na sampahan ng kaso ang contractor nito.

Samantala, sinisikap pa ng Punto na makuha ang panig ng NIA tungkol dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here