Home Headlines DENR: Programang pangkalikasan sa Bulacan bagong oportunidad sa hanapbuhay, trabaho

DENR: Programang pangkalikasan sa Bulacan bagong oportunidad sa hanapbuhay, trabaho

115
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tututukan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iba’t ibang programang pangkalikasan sa Bulacan partikular ang pagpapatayo ng waste-to-energy at biogas facilities.

Ito ang tiniyak ni DENR Secretary Raphael Lotilla nang pangunahan niya ang pagbubukas ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” caravan na kasabay ng pagdiriwang ng  ika-68 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, layunin ng proyektong waste-to-energy na tuluyang maresolba ang pagsisinop ng mga kalat at mga basura sa mga bayan at lungsod sa Bulacan habang ang pagproseso sa pagtutunaw nito ay makakapag-ambag sa suplay ng kuryente.

Pinangunahan ni Environment and Natural Resources Secretary Raphael Lotilla ang pagbubukas ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” caravan ngayong Ika-68 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Naging pagkakataon ito upang maibigay ang suporta sa pagkakaroon ng waste-to-energy at biogas facilities sa lalawigan ng Bulacan. (DENR Region 3)

Isasakatuparan ito sa pamamagitan ng sistemang public-private partnership kung saan bubuksan sa mga pribadong mamumuhunan ang proyekto upang maisakatuparan.

Kaya’t sinabi ni Lotilla na anumang mga rekisito na mangangailangan mula sa DENR o iba pang mga ahensiya ng pamahalaan para sa regulasyon ay dapat ipagkaloob nang libre sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

Para sa pagsasakatuparan ng pagtatayo ng mga biogas facilities sa Bulacan, sinabi rin ng kalihim na babalangkas ng mekanismo ang DENR at iba pang kaugnay na ahensiya upang maraming mga nasa poultry at hog industries na mamuhunan sa aspetong ito.

Sa pamamagitan ng biogas, magagamit ang mga dumi ng mga hayop upang maging alternatibong pagkukuhanan ng enerhiya na hindi na kailangang gumastos nang malaki.

Ang pagpapatayo ng waste-to-energy at biogas facilities sa Bulacan ay isusunod sa mga modelong pasilidad na gaya nito na binisita kamakailan ni Fernando.

Tututukan din ang malawakang pagtatanim ng puno sa mga bahagi ng kabundukan ng Bulacan.

Kaya’t nagkaloob ang DENR 1,000 na iba’t ibang mga punla ng puno at 500 mga fruit-bearing trees.

Kaugnay ng mga trabahong pangkapaligiran, aabot sa 2,493 indibidwal ang nakatamo ng pasahod mula sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Isa itong emergency employment program sa loob ng sampung araw, kung saan pangunahing trabaho ang paglilinis ng kapaligiran, pagsasaayos ng mga halaman sa lansangan, pagpapaganda ng mga pasilidad sa barangay at pagpapanatili na walang bumabarang basura sa mga daanang tubig.

Samantala, mayroon ding kabuhayan packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program ang ipinagkaloob sa 35 magulang ng mga dating child laborers habang 10 ang pinagkalooban ng training for work scholarship ng Technical Education and Skills Development Authority.

Nagbukas naman ng 500 bagong trabaho ang 14 local employers at walong international agencies sa isang job fair na pinagtulungang itinaguyod ng DOLE at ng Provincial Public Employment Service Office. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here