DENR kinuwestiyon ng Bulacan sa pagbibigay
    ng OTP

    403
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Kinuwestiyon ni Bulacan Governor Jonjon Mendoza ang pag-iisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng ore transport permit (OTP) sa Rosemoor Mining and Development Corporation (RMDC) sa kabila ng kahilingan nitong suspensiyon habang patuloy ang imbestigasyon sa mga diumano’y iregularidad sa operasyon.

    Ang OTP na ipinagkaloob noong Disyembre 23 ni acting Director Atty. Danilo Uykieng ay epektibo sa loob ng 30 araw mula sa araw ng pagkaisyu o hanggang sa ang 124 bloke ng marmol, semi-marble blocks at scraps na umaabot sa 511.85 cubic meters ay nabiyahe na.

    Ayon kay Mendoza, nabigo ang DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) na tugunan ang kanilang mga idinulog na diumano’y paglabag ng Rosemoor.  Ito ay base sa magkatuwang na inspeksyong ginawa noong Oktubre 24, 2008 sa mineral production sharing agreement (MPSA) contract area ng RMDC na binubuo ng mga empleyado mula sa Bulacan Environment and Natural Resources Office, MGB Regional Office III, mga elemento ng PNP 306th Mobile Group, mga kinatawan ng BUNDUK, Inc. at media.

    Hinamon ni Mendoza ang DENR na dinggin ang mga hinaing ng mga lokal na residente, lokal na pamahalaan, maging ang mga NGOs na mariing tumututol sa patuloy na quarrying sa Biak-na-Bato dahil sa panganib na dulot nito sa mga residente.

    Aniya, lumilikha ng tensyon sa mga residente na malapit sa lugar ang patuloy na pag-iisyu ng OTP.

    Sa kabila ng operasyon ng Rosemoor, patuloy na maninindigan ang kapitolyo na tutulan ang anumang uri ng pagmimina sa nasabing historical site kung kaya’t naglagay na ng mga check point area upang mabantayan ang mga maaaring paglabag.

    Maliban sa panawagan ng pagsususpindi ng OTP, inirerekomenda rin ng mga opisyal ng lalawigan ang pagsuspindi sa MPSA kung mapatunayan na mayroon ngang nilabag ang RMDC.

    Sa muling pagbuhay sa panawagang ito, hawak na ng probinsiya ang sertipikasyon mula sa Sangguniang Bayan ng Dona Remedios Trinidad na nagpapatunay na walang deliberasyon o indorsement silang ibinigay ukol sa MPSA ng RMDC.

    Dagdag pa ni Mendoza, ang dokumentong ito ang magpapatunay na maging ang pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan ay walang inisyu na indorsement na siyang pangunahing kailangan para sa pag-iisyu ng MPSA.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here