DENGUE: Tumaas muli ang bilang ng kaso sa Bulacan

    348
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Sa kabila ng malawakang kampanya laban sa dengue noong nakaraang taon, muling tumaas ang bilang na naitalang insidente nito sa unang tatlong buwan ng taon sa Bulacan.

    Ngunit ayon sa pamahalaang panlalawigan, isa sa dahilan ng pagtaas ng bilang ay dahil sa “awareness” ng Bulakenyo na libre ang pagpapagamot sa nasabing sakit.

    Pinabulaanan ng kapitolyo ang nasasalaming kapabayaan ng mga pamahalaang lokal sa kampanya laban sa dengue at iginiit na patuloy ang kanilang kampanya sa kalinisan.

    Batay sa tala ng Provincial Public Health Office (PPHO), umabot na sa 1,095 ang bilang ng kaso sa Bulacan sa unang tatlong buwan ng taon, kung saan ay apat na ang naitalang kaso.

    Ito ay higit na mataas sa naitalang 202 kaso sa katulad na panahon noong nakaraang taon, kung kailan ay dalawa lamang ang naitalang namatay.

    “Bumababa na ang incidents, pero mas mataas pa rin kumpara sa first three months ng 2010,” ani Dr. Joycelyn Gomez, ang hepe ng PPHO.

    Ayon kay Gomez, nakapagtala ng 79 na kaso ng dengue sa lalawigan sa ikalawang linggo ng Marso; 42 sa ikatlong linggo at 14 sa ikaapat na linggo ng Marso.

    Mas higit na mababa ang mga nasabing lingguhang kaso sa 113 average cases na naitala sa unang pitong linggo ng taon.

    Batay sa tala ng PPHO, ang lungsod ng Malolos ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa unang tatlong buwan  ng 2011 ng maitala ang 168 na bilang ng kaso. Ito ay higit na mataas sa 17 kaso na naitala sa katulad na panahon noong isang taon sa nasabing lungsod.

    Ang lungsod ng San Jose Del Monte ang ikalawa sa bilang na 148 kaso ng dengue na naitala sa taong ito.  Noong nakaraang taong, umabot lamang sa 35 ang kaso ng dengue na naitala sa unang tatlong buwan sa nasabing lungsod.

    Dahil naman sa muling pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan, sinisi ng mga Bulakenyo ang kapabayaan ng mga halal na opisyal sa mga pamahalaang lokal.

    Ito ay dahil sa matapos na umabot sa epidemic levels ang bilang ng kaso ng dengue sa lalawigan ng noong nakaraang taon ay agad na inilunsad ang kampanyang all-out war against dengue.

    Ito ay tinampukan ng malawakang paglilinis sa kapiligiran kasama ang mga estudyante at mga lokal na opisyal sa mga barangay.

    Ngunit matapos na bumaba ang bilang ng kaso ng dengue sa buwan ng Nobyembre at Disyembre noong nakaraang taon ay tumigil na rin ang mga opisyal sa kampanya sa kalinisan.

    Dahil dito, muling tumaas ang kaso ng dengue sa lalawigan sa unang buwan ng taon.

    Matatandaan na noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 4,000 Bulakenyo ang nagkasakit ng dengue, kung saan ay 31 katao ang namatay.

    Batay sa tala ng PPHO, karaniwan sa mga nagkasakit ng dengue sa Bulacan noong 2010 ay mga kabataang may edad apat na taon hanggang 18 taong gulang. 

    Samantala sinabi ni Dr. Florante Tuazon, ang tagapayo ni Gob. Wilhelmino Alvarado na tumaas lamang ang “awareness” ng mga Bulakenyo hinggil sa libreng pagpapagamot na ipinagkakaloob ng kapitolyo sa mga nagkaka- dengue.

    “Siguro ay dahil sa tumaas ang awareness ng mga Bulakenyo na libre ang pagpapagamot sa dengue, kaya pag nilagnat, takbo agad sa ospital,” ani Tuazon sa tanong ng Punto sa pagsasagawa ng Talakayang Bulakenyo sa kapitolyo noong Biyernes.

    Ngunit katulad ng ibang mamamahayag, hindi kumbinsido ang Punto na binigyang diin na may kabalintunaan ang sinasabing “awareness” ni Tuazon.

    Ito ay dahil sa lumalabas na “aware” ang mga Bulakenyo na kapag nagkasakit sila ng dengue ay libre silang gagamutin sa Bulacan Medical Center (BMC), ngunit lumalabas din na wala silang “awareness” sa kampanya laban sa dengue na pinangunahan ng kapitolyo sa pamamagitan ng malawakang paglilinis sa kapaligiran.

    Isa pa sa pinuntusan ng Punto ay ang kakulangan sa paghahatid ng impormasyon ng kapitolyo  sa mga taumbayan hinggil sa pagpapatuloy ng kampanya sa kalinisan.

    Kaugnay nito, itinanggi ni Tuazon at Gob. Alvarado na nagpabaya ang mga pamahalaang lokal sa kampanay laban sa dengue sa pamamagitan ng paglilinis sa kapaligiran.

    Ayon kay Alvarado, nailunsad na nila ang paligsahan sa kalinisan sa lalawigan kung saan ang mga bayan na pinakamalinis ay bibigyan ng parangal tuwing ikaapat na buwan.

    “Tuloy tuloy ang kampanya natin sa kalinisan, dahil sa naibaba na sa mga bayan ang programa,” ani Alvarado.

    Ngunit kung ang pagbabasihan ay ang tala ng kaso ng dengue sa bawat bayan na nakuha ng Punto sa PPHO, lumalabas na nakalimot ang mga pamahalaaang lokal.

    Ito ay dahil sa tumaas ang kaso ng dengue sa unang tatlong buwan ng taon sa lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan maliban sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.

    Isang halimbawa ang bayan ng Hagonoy na nakapagtala ng 38 kaso ng dengue sa taong ito, ngunit sa unang tatlong buwan ng 2010 ay walang naitala.

    Maihahalimbawa rin ang Lungsod ng Malolos na nakapagtala ng 168 na kaso ng dengue sa unang tatlong buwan ng taon ngunit sa katulad na panahon ng 2010 ay umabot lamang sa 17 kaso ng dengue ang naitala.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here