LUNGSOD NG BALANGA — Isang delivery truck ang diumano’y nawalan ng giya at nadagdagan pa ng madulas na kalsada gawa ng ulan ang nahulog sa ginagawang tulay sa bahagi ng Roman Highway sa lungsod na ito ng Bataan Huwebes ng umaga.
Tumihaya ang sasakyan sa ilalim ng tulay na bahagi ng pagpapalapad ng four-lane highway sa anim na lanes.
Masuwerting sa anim na sakay ng truck na kargado ng tiles ay isa lamang ang nasugatan ng hindi naman grabe at na-confine sa ospital.
Ayon kay Rolando Balino, 39, driver, mula sa San Jose del Monte, Bulacan, anim silang sakay na puro gasgas lang ang kanilang natamo matangi sa isa na nasa ospital.
“Madulas ang daan at nawalan ako ng giya,” sabi ni Balino.
Ang sasakyan ay galing ng Tarlac at magde–deliver ng construction materials sa Balanga City.
“Malayo pa lang nakita ko na gumegewang-gewang na ang sasakyan kaya pagdating sa ginagawang tulay ay nagdire-diretso ito pababa,” sabi ni Brendo Pascua, manggagawa sa tulay na nakasaksi sa pangyayari.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Balanga City police.