“Death penalty,” makabubuti

    456
    0
    SHARE
    Ngayong ang halal na Pangulong Duterte
    itong nakatakda nang umupo bale
    sa July 1st bilang ating Presidente,
    anong mga pagba-bagong mangyayari?

    Ang posible niyang maaring unahin
    ngayong ang lahat na riyan ng matitinding
    problema na hindi nakayang lutasin
    ng pinalitan ay kanya nang pasanin?

    Partikular itong saan pa mang dako
    ng ating bansa ay di na biru-biro
    ang kriminalidad na biglang lumago,
    sanhi ng aywan kung wastong pamumuno;

    Nitong nakatakda na niyang palitan
    ‘comes 30th of June at exactly noontime’;
    Bababa si PNoy…at aakyat naman
    si Mayor Duterte sa pampanguluhan.

    At sana pag-upo niya sa Palasyo
    ang unang tutukan niya bilang Pangulo
    ay kung papaanong masusugpo nito
    ang kriminalidad at masamang bisyo;

    Na kagaya nitong iligal na droga
    at iba pang bisyong sanhi palagi na
    ng ‘heinous crime’ at ng matinding problema
    dahil malamyak ang pamatok humusga.

    O may pagkabinabae ang gobyerno
    Sa katauhan ni Pangulong Aquino
    Kung kaya nga’t maaring magkaganito
    Ang kahantungan kung walang pagbabago?

    Na ipaiiral si Digong Duterte
    oras na maupo bilang Presidente;
    At kung saan ang bagay na imposible
    sa pamumuno niya ay maging posible.

    Tulad halimbawa ng muling pagbuhay
    sa ‘Death Sentence’ at/o ng parusang bitay,
    Yan sa panghahalay at kasong pagpatay
    ang siyang marapat na parusang ibigay

    Gayon din naman sa iba pang heinous crime
    na sadyang talamak na ‘at this point in time,’
    Maliban marahil sa ating tinuran,
    wala nang hihigit na kaparusahan.

    Na pupuedeng gawin ang ating gobyerno
    upang masawata sa panahong ito
    ang walang habas na pagsirit, paglobo
    ng kriminalidad… (saan man siguro).

    Aminin, hindi ng kinauukulan
    ay di na talaga natin mapigilan
    Ang masamang gawi nitong mga halang
    na ang kaluluwa sa gawaing ganyan.

    Kaya maliban sa pamuling buhayin
    ni sir ang parusang bitay dito sa’tin,
    hindi maglulubay ang mga salarin
    sa di makatao nga nilang gawain.

    Magpapatuloy din sila sa talamak
    na gawain nila sa lahat ng oras,
    dahil makulong man, tiyak ilalabas
    ni ‘Ninong,’ na isang opisyal na ‘corrupt’.

    Pero sa panahon ng panunungkulan
    ni Digong Duterte, higit kailan pa man,
    makatitiyak ang buong sambayanan,
    na ‘true justice’ ang siyang ating maasahan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here