Deal or No Deal?

    487
    0
    SHARE
    “Por delicadesa,” anitong nagsabi,
    “Di ko magagawa sa aking sarili
    Ang ako’y humabol bilang Bise
    Pagkat ako’y naging isa nang Alkalde;

    Na kung saan ako ang nakatataas
    Na opisyal nitong munisipalidad,
    At pagkatapos ay bababa at sukat
    Ng isang baitang? Di ako papayag!

    Ikaw ba pare ko, ay di maasiwa,
    Na dati ay ikaw ang tinitingala,
    Ay malalagay ka ngayon sa ibaba?
    Ya’y kawalang galang sa sarili yata!

    Sabihin na nating panalo akong tiyak,
    Pero pare di ko pa rin matatanggap;
    At kahit ibigay na lamang at sukat
    Ng walang halalan di ako kakagat.”

    Yan ay alkalde lang at isang baitang
    Lang ng munisipyo itong bababaan,
    Pero di pumayag sa puntong naturan
    Dala ng sabi niya’y di magandang tingnan.

    “At baka isipin pa ng mga tao
    May mina ng ginto sa ‘ming munisipyo,
    Kaya kahit Bise ay pumayag ako
    Manatili lamang akong nakapuesto.”

    Kung itong mayor lang, di nito maatim
    Ang humabol para lamang manatiling
    Nakapuesto kahit pababa ang tingin,
    Itong Presidente pa nga po ba natin?

    Na dati ay siyang powerful sa lahat
    Na ng sa opisyal sa buong Pilipinas
    Ay sa Kongreso lang uupo at sukat,
    At isang distrito lang ang kanyang hawak?

    At ang kapalit sa dating niyang posisyon
    Ay isang tulad lang halimbawa ni Dong
    Na sunod-sunuran lang sa kanya ngayon
    At siya itong sa kaniya’y nakapayong?

    O sa tuwirang sabi itong nakasandal
    Upang humingi ng ano pa mang bagay
    Na maiuuwi sa kanyang kabayan
    Gaya ng pantustos sa proyekto po n’yan.

    Mabuti-buti kung si Dong ang pumalit
    Ay baka posible nitong mapabilis
    Ang pagpirma sa kung anong ninanais
    Hinging pabor ni Mam as Representative;

    Para sa distritong kanyang hahawakan
    Kung siya’y mananalo bilang Congresswoman;
    Pero ‘pag natalo, yan ay kahihiyang
    Sa tanang buhay niya’y di malilimutan!
     
    Bilang kabalen ng pinakamamahal
    Nating Presidente Gloria Macapagal,
    Maging dapat nawa sa inyong kamahalan
    Ang aming payo na: ‘Siguro huag na lang’.

    At baka gaya ng nasabi ni Tirso
    Ay isipin pa ng mga ‘detractors’ n’yo,
    Na kaya ayaw n’yong mawala sa puesto
    Ay dala rin nitong may mina rin kayo;

    At kung kaya ninyo gustong magka Cha-Cha
    Ay may plano kayong bumalik talaga
    Sa Palasyo bilang Prime Minister baga?
    O ang terms of office ninyo’y i-extend pa?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here