(Karugtong ng sinundang isyu)
KAYA SIPAIN man ng ating Pangulo
bilang DBM Sec si Benjamin Diokno,
bawi pa rin siya sa ‘3 years’ pa nito
na dapat makuhang natitirang sueldo?
(Eh bakit nga hindi kung higit sa doble
ang kita n’yan kaysa kung tawagin pati
ay masahol pa raw sa buwayang kati
nating ibang Solons na mas matitindi?)
Sa puntong naturan, di maiaalis
ni Sec Diokno lalo sa ‘general public’
ang isiping siya ay di rin malinis
na kagaya nitong ibang opisyales.
At hindi malayong totoo ang bintang
na siya’y nag-alok sa mga Congressman
ng ‘forty billions of pesos’ bilang lagay,
upang ang nasabing isyu mapagtakpan.
Bagama’t daraan sa butas ika nga
ng karayom bago niya mapaniwala
ang lahat na hindi niya magagawa
itong sa sarili ay magpakasira.
At ‘yan ay maaring malusutan lang niya
kung ang panawagan ng ating Kamara
ay kanyang harapin, upang di na siya
lalong mapahiya kung magmatigas pa.
Huwag niyang ipangahas na siya’y kay Digong
matindi ang kapit kung kaya ganoon
kalakas ang kanyang ika nga’y patuloy
na pagmatigas at di pagsipot doon.
Dala na rin nitong sinumang opisyal
ng ating gobyerno’y walang karapatan
na ipagkibit balikat ang anumang
sa kanila’y dapat sundin at pakinggan.
Sagutin n’yan dapat itong inihayag
ni Andaya, na siya’y nag-alok at sukat
ng ‘forty billions’ o kuartang limpak-limpak
sa Kamara upang ang isyu ilaglag.
Kaya hangga’t nagbibingian si Diokno
sa panawagan sa kanya ng Kongreso,
partikular na nga ni Andaya mismo,
saan na ang isyung ito patutungo?
Mas makabubuti sa kanya marahil
ang siya ay boluntaryo nang magbitiw
sa kasalukuyang hawak na tungkulin
upang si Andaya manahimik na rin.
Pero kapagka’ ba kwenta ‘resign’ na siya,
absuwelto na bale sa ginawa niya
(si Sec Diokno) pati sa mata ng masa
kahit totoo itong bintang sa kanya?)
Amin o hindi ni Benjamin Diokno
ang akusasyon ni Andaya, tantya ko
at ng marami pa di pa rin siguro
ligtas ang ‘subject’ sa mata ng publiko.
At kung saan pati kanyang kapamilya,
kaibigan, kapwa opisyal at saka
naniniwala sa pagkatao niya
ay namimiligrong mawala sa kanya.
Kaya bago tuluyang mawala ang lahat
ay makabubuting harapin niya dapat
ang isyung ito na pamatay sa bukas
ni Sec Diokno kapag di umaksyon agad!