LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naglaan ng P23.2 milyon ang Department of Budget and Management (DBM) para sa Green-Green-Green Program sa lalawigan ng Bulacan.
Layunin nito na makapagpatayo ng karagdagang mga open spaces na maghihikayat ng malawakang pagtatanim ng mga halaman at puno na magbibigay ng maaliwalas na kapaligiran at sariwang hangin.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, mahihikayat ng Green-Green-Green Program na muling maibalik sa kaugalian ng mga mamamayan ang pamamasyal at pagpunta sa mga parke sa halip na palaging nasa mga mall.
Sa loob ng nasabing halaga, P10.4 milyon ang inilaan ng ahensya para sa pamahalaang panlalawigan habang P12.8 milyon ang para sa pamahalaang bayan ng Marilao.
May inilaan din na pondo ang DBM para sa nasabi ring programa sa dalawa pang mga lalawigan sa Gitnang Luzon gaya ng Bataan na may P10.1 milyon at Pampanga na may P10.3 milyon.
Bahagi ang nasabing mga pondo ng P1.05 bilyon na inilaan ng DBM para sa Green-Green-Program sa iba’t ibang panig ng bansa mula sa Local Government Support Fund ng Pambansang Badyet ng 2024.
Binigyang diin ni Pangandaman na eksklusibo lamang na dapat gastusin ito sa pagpapagawa ng mga green open spaces tulad ng public/municipal parks, plazas, recreational parks, arboretum at botanical gardens.
Maari rin itong gastusin sa pagpapagawa ng mga bicycle lanes, bike racks, elevated o at-grade pedestrian footpaths, walkways, sports facilities at mga recreational trails. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)