Dating tanod chief binaril ng shotgun, patay

    472
    0
    SHARE
    PILAR, Bataan – Sa hindi pa malamang dahilan, isang dating hepe ng Barangay Tanod ang binaril ng shotgun at natagpuang patay tanghaling tapat noong Lunes sa ilalim ng puno ng mga saging sa lupang inaasikaso nito sa Barangay Diwa dito.

    Kinilala ni Chief Insp. Emelito dela Cruz, Pilar police chief, ang biktima na si Rogelio Marquez, 48, dating chief Barangay Tanod ng Diwa at caretaker ng ilang ektaryang lupain sa dalisdis na bahagi ng makasaysayang Mount Samat.

    “Patuloy ang aming imbestigasyon sa pangyayari upang mahuli kung sino man ang may kagagawan” ani Dela Cruz.

    May mga tama sa ulo at balikat ang biktima. Isang basyo ng bala ng shotgun ang natagpuan ng mga rumispondeng kasapi ng Scene of the Crime Operatives at pulisya sa pinangyarihan ng pamamaril.

    Natagpuang wala ng buhay si Marquez bandang alas-12:15 ng hapon sa isang bahagi ng bundok kung saan maraming sari-saring pananim ang biktima.

    Ayon kay Vilma Marquez, wala umano siyang alam na kagalit ang asawa o may nababanggit itong nagbabanta sa buhay nito. “Sana makonsensiya kung sino man ang may gawa nito,” ani Vilma.

    May limang anak ang mag-asawa na naninirahan sa isang hindi pa tapos na bahay sa paanan ng Mount Samat sa Diwa na halos kalahating kilometro ang layo sa lupang ginagawa ng biktima.

    Sinabi ng isang batang anak ng mag-asawa na umalis ang kanilang ama sa bahay alas-8 ng umaga.

    Inaasahan umano nilang babalik ang ama ng alas-9 subalit tanghali na hindi pa ito umuuwi kaya pinuntahan na ng mag-aanak at nakita nga itong wala ng buhay.

    Sinabi ni Pol Nicolas na nakatira malapit sa pinangyarihan ng pamamaslang na inabutan nilang duguan at nakadapa sa lupa ang biktima. Wala diumano silang alam na kaaway ang dating hepe ng Barangay Tanod.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here