CABANATUAN CITY – Sa ikalawang pagkakataon ay lumaban sa pagka-alkalde ng Bongabon, Nueva Ecija si retired Chief Supt. Ricardo Padilla. Ngunit katulad noong 2010, hindi siya pinalad na manalo.
Dating PNP regional director ng Philippine National Police sa Southern Tagalog, si Padilla ay natalo sa halalan nitong May 13, 2013 kay Mayor-elect Allan Xystus Gamilla, anak ni incumbent Mayor Amelia Gamilla na tumalo rin sa kanya noong 2010.
Ang mga Gamilla ay miyembro ng Bagong Lakas ng Nueva Ecija (Balane).
Katulad ni Padilla na lumaban sa ilalim ng Unang Sigaw Partido ng Pagbabago (USPP), hindi rin pinalad na manalo sa nakaraang halalan ang mga kapwa retiradong opisyal ng pulisya na sina dating Supt. Antonio dela Cruz at Antonio Tanchoco.
Si Dela Cruz, ng PDP-Laban, ay natalo kay re-electionist Mayor Lovella Belmonte-Espiritu (USPP) sa bayan ng Zaragoza samantalang si Tanchoco (National Unity Party-USPP) ay natalo sa pagka-bise alkalde ng San Isidro, Nueva Ecija kay Gerardo dela Cruz (Independent).
Ito ang ikalawang pagkakataon na natalo si Tanchoco sa halalan, una ay nang maging pangatlo siya sa labanan sa pagka-mayor ng naturang bayan noong 2010 kung saan nagwagi si re-elected Mayor Cesario Lopez Jr.
Pero iba ang naging kapalaran sa kanila ni ret. Chief Insp. Restituto Reyes na nagwagi naman bilang konsehal sa Jaen, Nueva Ecija.
Si Reyes ay naging hepe ng pulisya sa Jaen bago nagretiro at kumandidato.
“Naging konsehal din dito ang aking ama at gusto kong ibigay sa tao ang paglilinglod na ibinigay niya,” ani Reyes.
Noong 2010, lahat ng pitong dating opisyal ng pulis at military na kumandidato sa Nueva Ecija ay natalo.
Kabilang sa kanila sina dating Supts. Virgilio Fabros at Tomas Hizon, retired Navy Rear Admiral Abraham Abesamis, retired Chief Inspector Ignacio Garcia and retired Senior Inspector Rodolfo Rivera.