Ang mananabong na si Jaime ay dating nalulong sa e-sabong at pabor na suspendehin o itigil na ang operasyon nito. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS —– Pabor ang ilang mananabong na suspendehin o kung maari ay alisin na ang e-sabong.
Ito ay sa gitna ng ginagawang pagdinig sa Senado sa pagkawala ng ilang mga sabungero partikular sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit.
Si Jaime, 54, ay nakatutok sa ginawang pagdinig ng Senado at isa sa mga pabor na alisin na ang e-sabong.
Aniya, maraming maaring posibleng dahilan ng pagkawala ng mga sabungero kayat sana daw ay gawan ito ng masusing imbestigasyon ng mga otoridad.
Dagdag pa niya, pabor siya na suspendehin o kung maari ay alisin na ang e-sabong dahil marami na ang nalulong dito at nabaon sa utang habang ang iba ay nakakagawa pa ng krimen.
Si Jaime ay dati nang nalulong sa pagtataya sa e-sabong nitong panahon ng pandemya. Nahikayat siya ng mga kaibigan na pumasok sa virtual na sugal.
Halos isang taon daw itong tumataya sa e-sabong ng mula halagang P1,000 hanggang P5,000. Ang pusta ay ibinibigay via virtual cash at doon din kukubrahin ang panalo.
Ngunit ngayon ay hindi na ito tumataya sa nasabing virtual na sugal. Mas marami pa daw kasi ang pagkakataon na natatalo siya sa sugal kaysa nananalo.