Ang mobile palengke ni Muñoz
LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Matapos ipinagbawal ng inter-agency task force ang pagsasagawa ng malalaking okasyon sa kinakaharap na Covid-19 pandemic, maraming event organizer sa bansa ang natigil sa kanilang mga hanapbuhay.
Isa dito si Michael Munoz, event organizer sa naturang lungsod na nawalan ng kita dahil sa pandemya.
Ngunit hindi naging balakid kay Muñoz ang sitwasyon para maisalba ang kanyang mga empleyado at makapagpatuloy ng kanilang kita.
Life must go on, ika niya.
Ang opisina niya noon na nag-aayos ng mga okasyon ay parang maliit na palengke na ngayon.
Ayon kay Muñoz, kahit tumigil ang kanilang hanapbuhay dahil sa lockdown ay nagtitinda naman sila ngayon ng karne, gulay, itlog, at iba pang produkto na mabibili sa palengke.
Sa halip na masiraan ng loob ay binuo nila ang one–stop mobile palengke bilang isang alternative livelihood program sa gitna ng krisis.
Ito rin ay isa aniyang paraan upang malabanan ang anxiety o depression ng isang tao dahil kung walang ginagawa ay nagiging idle at hindi na nakakapag-isip ng tama. Kinakailangan aniya na makabuo sila ng mga activities na makakaligtas o ma-maintain ang kanilang sanity sa pagharap sa krisis. Ang paraan ng kanilang hanapbuhay ay magpunta sa mga bara-barangay upang mapablis ang pamimili ng mga ito sa halip na pumunta pa sa palengke sa gitna ng umiiral na community quarantine.
Ani Muñoz, batid nila na matatagalan ang kanilang hanapbuhay para makakabalik sa gitna ng krisis na ito .
Gayunpaman, kung sakaling bumalik na sa normal ang sitwasyon ay bukod sa pagiging event planner ay hindi na rin niya bibitawan ang pagtitinda ng mga pagkain.
Kung sa pagiging event planner ay biglaan kung mahawakan nila ang kanilang kita, bagama’t maliit ayaraw-araw naman nilang nahahawakan ang kita sa mobile palengke na pagtutuusin kalaunan ay pareho din naman na kumikita.
Samantala, si Ailyn Marcelo ay nag-interes na mamili sa tindahan ni Muñoz matapos itong madaanan.
Bibili siya ng maramihan gaya ng manok, itlog, at karne para naman itinda din niya sa kanilang lugar.