Si Senate President Vicente Sotto III sa panayam sa Zoom. Kuha ni Armand Galang
LUNGSOD NG CABANATUAN — Isinusulong ni vice presidential aspirant at Senate President Vicente Sotto III ang pagbili ng gobyerno sa 40 porsiyento ng produktong agrikultura ng bansa upang matiyak ang magandang presyo ng mga ito sa merkado.
Sa ngayon ay wala pa sa walong porsiyento ng ani (palay) ng mga magsasaka ang nabibili ng gobyerno nang direkta mula sa mga magsasaka, sabi ni Sotto sa mga mamamahayag ng Regions 2 at 3 sa press conference na ginanap via Zoom kamakalawa.
Kasama na aniya rito ang pinamimili ng National Food Authority.
“Dapat sa presyong gusto ng magsasaka, yung farm gate price,” ani Sotto. May sapat na kakayanan ang gobyerno upang bilhin ang 40 porsiyento ng ani ng magsasaka lalo na kung walang korupsyon kung saan bilyon-bilyong piso ang nawawala sa pamahalaan katulad ng di-umano’y nangyari sa Pharmally, dagdag pa nito.
Kasabay dito, anya, ay ang pagsupil sa walang habas na importasyon at smuggling ng mga produtong agrikultura.
Sa naturamg press conference ay kinastigo pa ni Sotto ang Department of Agriculture kaugnay ng di-umano’y hindi pagsasabi ng totoo sa tunay na pinagmulan ng African swine fever.
Sa mga nakaraang pagdinig ng Senado, sabi niya, ay sinabi ng DA na ang ASF ay posiblemg manggaling sa mga tira-tirang pagkain sa mga restaurant na nakain ng baboy.
Ngunit ang mas malapit sa katotohanan ay galing ang ASF sa smuggled na produktong karne, aniya.