DAPat Ba Abad?

    688
    0
    SHARE

    Mas maraming katanungan kaysa sa kasagutan ang naidulot ng pagsasalita ni Secretary Florencio Abad ukol sa Development Acceleration Fund (DAP) sa Senado.

    Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag nya na ang lahat ng pondo ng mga ahensya ng Ehekutibo mula sa mga appropriated projects na hindi nagamit o hindi na gagamitin ay napupunta sa tinatawag na “Savings” ng gobiernong Aquino.

    Umabot na ito ng hanggang 237 Billiong Piso mula 2011 hanggang 2013. Mula sa Savings na ito kinukuha ang pangtustos sa mga programa na napapasailalim sa DAP.

    Ang DAP ay isang programa ng gobierno na binuo raw ng isang committee na kinabibilangan ng National Economic Development Authority (NEDA), ng Department of Budget and Management (DBM na pinamumunuan ni Sec. Abad), ng Department of Finanance (DOF) at ng Central Bank of the Philippines.

    Sila ay nagpanukala sa Presidente na pondohan ang ilang mga proyekto na napapaloob sa DAP na kanilang inisip na makakatulong sa pag-angat sa kahirapan ng sambayanang Filipino at pagpapalago ng ekonomiya. Ang programang ito ay tinawag na DAP.

    Ayon kay Abad, ang kabuuang pondo ng programa na sinang-ayunan ng Presidente ay P167 Billion na kukunin sa “Savings”. Sa perang ito, P144 Billion pa lamang ang nailalabas sa mga proyektong nasasakop ng DAP.

    Ang natitira mula sa P237 Billion ay pinagkukunan naman ng ibang pondo tulad ng ibinigay sa COMELEC noong 2012 na kakailanganin sa pambayad ng gastusin sa pambili ng Picos machines upang maituloy ang automated elections.

    Ang buong proseso ay hindi mangangailangan ng ayuda ng Kongreso at hindi rin mangangailangan ng sertipikasyon mula sa National Treasury na may sapat na pondo para sa mga proyekto ng DAP o sa mga cross boarders allocation (ito ang pagbibigay ng pondo mula sa Executive papunta sa Legislative, Judiciary or Constitutional Commissions).

    Unang tanong: Paano ba malalaman kung ang isang pondo ay isasama sa “Savings”? Kalagitnaan pa lamang ng taon, nagsasabi na raw ang mga ahensya ng Executive Branch ng kanilang savings na nagmumula sa naipon na pambayad ng sweldo ng mga kawani ng gobierno na hindi naman magagamit kasi wala namang empleyado na pumupuno ng plantillang napondohan sa general Appropriations Acts (GAA); mga natipid sa Maintenance and Operating Expenses at sa mga proyektong hindi na itutuloy dahil sa mga problemang technical o sa prosesong hudikatura tulad ng mga TRO at Right of Way issues. Taliwas ang ganitong paninindigan ni Abad sa sinasabi ng batas at ng Supreme Court ukol sa Savings.

    Tulad na lamang ng sinabi ng DOTC na hindi na nila itutuloy ang mga naapruban sa GAA ukol sa pagpapaganda ng airports, ports at lighthouses dahil may mga problema raw sa right of way at depektibo sa istruktura. Ang lahat ng ito na may kabuaang P14 Billion ay may depekto sa implementasyon?

    Bakit naman nang ipanukala nila ito sa kongreso noong dinidinig ang GAA ay hindi nila ito sinabi at isiniwalat? Sana ay hindi na inilaan ang P14 Billion sa mga ganitong proyekto kung may mga problema naman pala.

    Ang mga savings mula sa plantilla na hindi napunuan ng empleyado, bakit pa ito ipinanunukala sa GAA kung hindi naman mapupunuan? O sadyang ayaw lang nilang punuan sa kabila ng kakulangan sa trabaho at mga walang trabahong Filipino?

    Marami namang aplikante sa bawat posisyon sa gobierno kaya ako ay nagtataka kung bakit hindi ito napupunuan.

    Anu-ano bang posisyon ito at ayaw nilang ilathala at punuan? Maraming Filipino na tiyak na kwalipikado sa mga posisyong ito. Kung ayaw naman nila talagang punuan dahil hindi naman kailangan at gumagana naman ng maayos ang mga opisina, sana ay ilaan na lamang ito sa ibang paggagamitan at isama sa panukala ng GAA.

    Ang mga pondo na sana ay para sa maintenance, equipment at structure ng mga opisina ng gobierno ay hindi rin pala ginagamit. Kaya naman pala puro bulok, inaanay, at luma ng mga opisina at kagamitan ang pinagtitiisan ng ating mga kawani sa pamahalaan at ng mga taong dito ay nagtra-transact.

    Bakit nga ba hindi napaaayos ang karamihan ng opisina ng gobierno at hindi rin sila nabibigyan ng sapat na kagamitan tulad ng computers, air-con, tables and chairs? Ngayon alam ko na ang kasagutan. Inililihis ang nararapat na pondo para rito sa ibang proyekto na mas pinapaboran ni Abad, et al.

    Ikalawang tanong: Bakit hinayaan na ang pagdedesisyon ng pondo at paggagamitan nitong proyekto ay dedesisyunan lamang ng Executive Branch? Hindi ba’t dapat na ito ay balangkasin ng Kongreso upang ng sa ganoon ay magkaroon ng checks and balances ng naaayon sa Constitution?

    Sino sila upang ilaan ang biliong pondo para sa Stem Cell Research, para pambili ng kotse ng COA, pambayad sa utang ng Bureau of Customs sa isang kompanya na blacklisted na pala, pondo para sa Land Bank at DAR upang pambayad sa mga landowners na nasakop ng CARP kabilang na ang may ari ng Hacienda Luisita, at sa iba pang hindi naman mawari kung may diretsong pakinabang sa pag-angat sa kahirapan at pagsulong ng ekomiya. Hindi ba kailangan na magkaroon muna ng batas upang maging pamantayan sa pagdedesisyon ng paglipat ng pondo mula sa isang proyektong naapruban sa GAA patungo sa proyekto na pinagdesisyunan lamang ng Executive Branch?

    Nakapagtataka lamang at hindi nagagalit ang Kongreso sa ganitong sistema. Marahil dahil nagkaroon din sila ng pondo mula sa cross boarder appropriations ng DAP at ng natirang Savings. Kapag masaya ka, bakit ka nga naman magrereklamo pa?

    Ikatlong tanong: Bakit may mga proyektong napapaloob sa GAA na hindi itinutuloy at ang pondo nito ay naililipat sa ibang proyekto? Bawat taon, nagsusumite ang Presidente sa Kongreso ng panukalang mga proyekto na may kaakibat na pondo upang mapaloob sa GAA.

    Ibig sabihin, napag-aralan na ng bawat ahensya ng Ehekutibo ang mga proyektong ito. Kapag naapruban na ng Kongreso at napaloob sa GAA, sa ilang buwan lamang, sasabihin ng Ehekutibo na nagkamali sila at kailangang ibigay ang pondo nito sa Savings upang ipamahagi sa ibang proyekto.

    Mayroon bang batas na magbibigay ng alituntunin sa Executive Branch sa paglalaan ng savings na ito sa ibang proyekto? Madali namang isumite sa Kongreso ang Supplemental Budget at ipagpaalam ang ganitong gawain, lalo na at kaalyado ng Pangulo ang karamihan sa mga kongresista at senador.

    Ngunit hindi ito ginawa. Bakit ba Secretary Abad na nagmukha ka ng Diyos sa paggamit ng pondo ng gobierno?

    Ika-apat na tanong: Sino ba talaga ang mga nakinabang sa DAP at ng natirang savings? Marapat siguro na busisiin ang bawat proyekto na pinagbigyan ng Savings, maging ito ay mula sa DAP o anupamang programa. Nagastos ba ito ng maayos? Nakinabang ba ang taumbayan?

    Sinu-sino ba ang pinagbigyan at saan nila ito ginamit? Matutulog na lamang ba ang COA dahil ito man ay nabigyan ng pondo na galing sa DAP? Nakakalungkot na ang mga katanungang ito ay pilit na hindi sinasagot ng Pangulo.

    Kung sasagutin man, hindi naman detalyado. Ang nakakalungkot pa, ang mga senador na sana ay nag-usisa ng todo kay Abad ay sya pang naging kasangga nito. Tama nga ang nagsabi na parang nagmistulang FPJ si Abad sa Senado at ang mga Senador ang siyang naging Berting Labra na sidelick nya.

    Saan ba patutungo ang Daang Matuwid? DAPat ba Abad? Paki-explain. Lab yu!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here