(Nanumpa si Daniel R. Fernando bilang ika-35 Gobernador ng lalawigan ng Bulacan. Shane F. Velasco/PIA 3)
LUNGSOD NG MALOLOS, Hunyo 29 (PIA) — Nanumpa kahapon si Daniel R. Fernando bilang ika-35 Gobernador ng lalawigan ng Bulacan.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin niya na napasimulan na ang mga pundasyon ng kaunlaran sa ilalim ng pamamahala ng papatapos ng administrasyon ng ngayo’y halal na Bise Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado. Kailangan na lamang aniya ay maramdaman ito ng karaniwang mamamayan.
Kabilang dito ang pananatili ng Bulacan sa listahan ng sampung pinakamayayaman na mga lalawigan sa buong bansa dahil sa mapanagutang pamamahala at ang mga nakalinyang malalaking imprastrakturang nasa kasagsagan na ng pagtatayo gaya ng MRT 7, North-South Commuter Railways Project at ang New Manila International Airport.
Upang matikman at mapakinabangan ito ng mga Bulakenyo, inilatag ni Fernando ang kanyang “The People’s Agenda 10” na nagbibigay ng prayoridad sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, agrikultura, serbisyong panlipunan, pagawaing bayan, turismo, kapaligiran, kapayapaan at mabuting pamamahala.
Bukod dito, tiniyak din niya ang pagpapatupad ng bagong pasang Panlalawigang Kautusan na nagkakaloob ng 20 hanggang 30 porsyentong tax holiday sa unang tatlong taon ng mga papasok na bagong pamumuhunan. Layunin nito na dumami ang mga bagong negosyo at makalikha ng mga karagdagang trabaho.
Kapag aniya may mga bagong negosyo, makakapagbigay ng kontribusyon bilang dagdag na buwis pagdating ng panahon. At ito namang buwis aniya, ay maidadagdag sa kaban ng Pamahalaang Panlalawigan upang pondohan ang mga programang nasa “The People’s Agenda 10.”
Kaugnay nito, partikular na tinukoy ni Fernando na kanyang hihikayatin ang mga negosyante na nagtatayo ng mga medium-rise condominium, entertainment establishment at mamumuhunang makakapagbukas ng mga night market upang masuportahan ang mga maliliit at katamtamang negosyo.(CLJD/SFV-PIA 3)