Damay pati ang malinis

    305
    0
    SHARE

    PANG-‘BELIEVE It or Not’ na ni Mr. Ripley
    itong dito ngayon sa’tin nangyayari,
    kung saan di lang sa hanay ng PNP
    ang sangkot sa isyung gawang di mabuti

    Kundi pati na rin ang ilang tauhan
    ng ating NBI, na tila direktang
    may partisipasyon sa ‘kidnap for ransom’
    sa isang negosyanteng Korean national

    Na dinukot mula sa Angeles city
    at pagkatapos ay diyan sa Camp Crame
    dinala mismo ng pulis na nasabi
    at pansamantalang dito dinetine

    Subalit sa hindi malinaw na ulat
    at/o pangyayari na ating nakalap,
    nitong bandang huli na lamang lumabas
    sa ‘news report’ itong iba pang naganap

    Na binigay na nga ang kanilang hiling
    sa kapamilya n’yan pero pinatay din
    ng isang SPO 3 Sta. Isabel,
    (na napabalitang pinaka-‘mastermind’)

    Ng nasabing mga alagad ng batas,
    na sila ang sukat mangalaga dapat
    sa konstitusyon ng Inang Pilipinas
    pero sila itong unang lumalabag

    Pagdating sa puntong ang takbo ng isip
    ay pangsarili ang lubos nananaig,
    kaya’t ang hantungan ay di sa matuwid,
    kundi sa masama’t di kanais-nais

    At sa maka-hayop na kaisipan din
    laging nakatutok ang puso’t damdamin,
    kung saan ang tuksong di kayang pigilin
    ang namamayani anhin mang supilin.

    Kasi ang anumang nakasayan na
    ng kahit sinuman ay di na n’yan basta
    makayang kontrolin ang sarili niya
    lalo’t pagdating sa alindog ng pera.

    Kung saan pati ang may kwarta na’t lahat
    ay nagagawa pa nilang mangulimbat
    sa kaban ng bayan sa paraang sikwat
    sukdang ang dangal ay mabaon sa lusak.

    Kaya naman dala na rin kadalasan
    nitong ang dulot n’yan ay kapangyarihan,
    di na kakaunti ang nagnasang yumaman
    sa kahit na anong klase ng paraan

    Gaya na lang nitong ating ‘subject’ ngayon
    na hayan, kundi man lahat nakakulong
    pero saan sa akala kaya n’yan hahantong
    ang kanilang kaso na ‘kidnap for ransom?’

    Ipagpalagay ng lahat ay absuwelto
    (dahil magaling ang mga abogado
    na makukuha r’yan ng mga damuho)
    pero saan pa yan posibleng patungo

    Kundi sa kawalan ng pagkakitaan
    o ng disenteng trabahong mapasukan,
    pagkat ang magkarun ng kasong tulad n’yan
    ay tunay naman ding pinangingilagan.

    Kaya saan pa yan posibleng pulutin
    kundi sa ika nga ay sa kangkungan din
    hanggang sa tuluyang mabuwal sa dilim
    kung walang magkusang sila ay sagipin?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here