LUNGSOD NG CABANATUAN — Umani ng parangal ang National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems sa katatapos na “Daloy ng Tagumpay: The 62nd NIA Founding Anniversary Celebration” sa NIA central office sa Quezon City nitong ika-27 ng Hunyo.
Ang selebrasyon ay pinangunahan NIA administrator Engr. Eddie G. Guillen at Department of Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III.
Ang NIA-UPRIIS na pinangungunahan nina regional manager Engr. Gertrudes A. Viado at acting department manager Engr. Alvin A. Manuel ay tinanghal na 2024 Outstanding Regional Office/Integrated Irrigation Systems Office.
Ang NIA-UPRIIS ang nagpapadaloy ng tubig-irigasyon sa mga bukirin sa Nueva Ecija at mga karatig na lugar.
Tinanghal naman bilang 2024 Outstanding Irrigation Management Office/Integrated Irrigation Systems Office-Division Office ang NIA UPRIIS Division V sa ilalim ng pamumuno ni division manager Engr. Roberto Q. Matias.
Ginawaran din ng pagkilala ang Flovenbar IA, Inc. ng UPRIIS Division I bilang 5th Gawad Saka National Finalist for Outstanding Irrigators Association – Rice Cluster Category. Ang nabanggit na pagkilala ay tinanggap ni IA president Fernando C. Tomas.
Samantala, pasok naman sa Top 5 Outstanding IA Performers – NIS Category ang CASACCAFFT IA, Inc. ng UPRIIS Division V. Ang nasabing parangal ay tinanggap ni IA president Bernardo C. Avedoza.
Ang IA o Irrigators Associations ay samahan ng mga magsasaka na benipisyaryo ng sistema ng patubig ng gobyerno at katuwang ng ahensiya sa pagsasaayos ng serbisyo nito.
“Ang tagumpay ng NIA UPRIIS at ng mga magsasakang Novo Ecijano ay tagumpay rin ng mga mamamayang Pilipino. Dahil sa patubig nagmumula ang daloy ng pag-asa, ito ang nagsisilbing lakas ng mga magsasaka upang makamit ang inaasam na tagumpay,” sabi ni Manuel.